Paolo Manalo at Soneto

Kahapon, pumunta ako sa Filipinas Heritage Library sa Makati para makinig sa lecture ni Paolo Manalo ukol sa tula. Nagulat ako sa naging paksa ng kanyang panayam: soneto. Oo soneto. Si Paolo Manalo na nagsulat ng "Jolography" (1st prize Palanca Poetry 2001) na kilala sa kanyang modernistang paksa at porma, ay nagsasalita ukol sa isang iambic - 14 liner with rhyming pattern poetry?! Di ko ma-reconcile (noong umpisa). Pero kunsabagay, may kakaibang karisma ang soneto. Bukod sa cheeziness ng paksa ukol sa pag-ibig, kakaibang disiplina ang inililikha nito --- sa limitadong sukat at tugma kailangang lumikha ng tula. 

Interesting ang mga sonnet personalities na binabanggit niya. Mula kay Damiana Eugenio (na may panimulang pag-aaral na ukol sa mga soneto ng mga Filipinong makata), ang "Man of Earth" nina Abad and Manlapaz (koleksyon ng magagandang soneto ng mga Filipinong makata), konsepto ni Philip Hobsbaum ukol sa  rhyme and pararhyme, konsepto ni James Fenton ukol sa half rhymes, at iba pang mga kritiko. Nakakaaliw rin ang mga kwento-kwento ukol sa mga sistema ng pagtutugma ng mga Filipino: mula sa pantugmang salita na LOVE, GLOVE, DOVE.

Ganito ang naging tono ng pinakaunang sonetong gawa ng isang Filipino, si Juan F. Salazar (na nailimbag noong 1911 sa "El Renacimiento"):

The morning breeze has kissed my pensive brow
And driven all the cares that make me sad!
The thought of darling Sonia drives me mad
Perhaps... Perhaps because of Cupid's bow!

But no! Don Cupid is no friend of mine!
We are not friends, We never met before.
But once --- Oh! Yes, I used  to knock his door
When he allowed me not to drink his wine.

He told me that I was too young to love!
But now my years are growing old. Therefore,
I have a right to be with girls! By Jove!

I pay one cedula --- two pesos more!
What right has Cupid then to disapprove
Of my true love, and push one from his door?


Nariyan din ang kontrobersyal na soneto ni G Burce Bunao (noong 1950 sa Philippine Collegian):

Say no, Not harshly though, Sylvia; I go

Oo, isang linya lang ang tula (at huwag nang maghanap pa ng ibang linya). Kunsabagay, hindi naman ito kasinradikal ng naunang tula ni Jose Garcia Villa na pinamagatang "Emperor's Sonnet" na ang tanging nilalaman ng papel na kinalalagyan nito ay  pamagat ng tula at numero ng pahina (oo, blangko ang tula).

Ang tula naman ni Angela Manalang Gloria na "To The Man I Married" (1936, Philippine Collegian) ang personal kong paborito (matagal na, bago pa ito ginawang halimbawa sa panayam). Hindi lamang dahil "matapang" siyang babae na humaharap sa batikos at puna sa panahon ng konserbatismo at ninais niyang magsulat ukol sa hymen ("Revolt of the Hymen"), bukod pa sa certain cheezinest ng  tula. Narito ang tula:

You are my earth and all the earth implies:
The gravity that ballasts me in space,
The air I breathe, the land that stills my cries
For food and shelter against devouring days.
You are my earth whose orbit marks my way
And sets my north and south, my east and west,
You are the final elemental clay
The driven heart must turn to for its rest.

If in your arms that hold me now so near
I lift my keening thoughts to Helicon
As trees long rooted to the earth uprear
Their quickening leaves and flowers to the sun,
You who are earth, O never doubt that I
Need you no less because I need the sky.

Bagaman sinasabing ang pagsusulat ng soneto (kung babalikan anng kasaysayang medieval) ay isang gawaing pangmaginoo, na oo, sexista dahil itinuturing ang babae sa tula bilang musa, subalit unti-unti naman itong binubuwag.

Kaugnay nito ang sexismo sa loob ng tugmaang pansoneto. Nariyan ang konsepto ng masculine at feminine na tugma na hindi maaaring magsama. Ito ang naging puna sa unang 2 linya ng pinakapopular na soneto  ni Villa na "Sonnets" (1941):

First, a poem must be magical,
Then musical as a sea-gull...


Sinasabing ang magical ay masculine at ang pinantugma ritong salita na sea-gull ay feminine na nangangahulugang mali ang tugmaan (batay sa tradisyong Kanluraning Soneto). Subalit, kung susuriing mabuti, sa tugmaang Filipino, ang dalawa salita ay magkatugma batay sa  panuntunang malumay-mabilis na kombinasyon. Kung kaya naman maituturing na indigenisasyon ang ginawang tugmaan ni Villa. O posible rin namang, dahil nga sa modernista siya, nangangahulugan na may bago siyang ibibigay o magbalikwas na gagawin (katulad hal. ng ibinigay na "Emperor's Sonnet" o ng isa pa niyang pamosong tula na kabilang sa kanyang "Comma Poem" ang tulang "The Bashful One" na ang tanging laman naman sa pagkakataong ito ay isang kuwit sa ilalim-kaliwang bahagi ng tula).

                            

Ilang mga Tala sa "Working Women" ni Luisa Camagay

Introduksyon: Bahagi ang aklat na ito sa pagbuo ng kasaysayan ng bansa, lalong higit sa napiping mga kuwento / buhay ng mga babae sa lipunang Filipino, lalo na yaong nasa mababang uri. Sa partikular, muling isinalaysay ang mga karanasan ng mga babaeng manggagawa sa Maynila noong ika-labinsiyam na siglo.

Kabilang sa mga okupasyong binigyang pansin sa aklat ang pagiging cigarreras (manggagawa sa pagawaan ng tabako), criadas (nangangatulong), tenderas (nagtitinda sa mga sarisari store), vendadoras (tindera), costureras (mananahi), bordadoras (tagaburda) at maging ang mga mujeres publicas (nasa prostitusyon), guro at komadrona. Sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa mga karanasang ito, hindi lamang nababasag ang iisang tinig at karanasan ng kababaihan na madalas na mabasa (yaong elit o nasa panggitnang uri lamang), binabasag rin nito ang de-kahong imahen ng babae noong panahong iyon na tahimik, kimi, matiisin at mahiyain.

Tatlo sa mga nabanggit na okupasyon ang bibigyang pansin sa papel na ito. Ito ay ang mga cigarreras, maestras, bordadoras at costureras.

Cigarreras Ang pagbubukas ng monopolyo ng tabako noong 1782 ay hudyat ng pagpasok ng kababaihan sa sistemang paggawaan. Ilan sa mga sinasabing rationale sa pagtanggap sa kababaihan bilang mangagawa ay ang paniniwalang mas mahaba ang kanilang pasensiya sa mga gawain at mas mapagkakatiwalaan.1 Dahil dito, hindi kataka-takang apat sa limang paggawaan ay para lamang sa mga babaeng manggagawa lamang. Sa kabuuan itinuturing ang pagiging cigarreras bilang pangunahing okupasyon ng nakararaming babae sa Maynila mula noong 1887.

Ang mga manggagawa2 ay nagtratrabaho mula 6n.u. hanggang 12n.t. matapos noo'y babalik muli ng 2n.h. hanggang 6n.g.

Ilan sa mga kondisyon / kalakarang pampagawaan na kanilang kinasasadlakan ay ang  pagsasailalim sila sa pangangapkap (body search) ng maestra ng dalawang beses sa isang araw. Bahagi ang pangangapkap ng kanilang SOP upang matiyak na walang produktong mananakaw. Subalit, may mga pagkakataon na ang ganitong kalakaran ay inaabuso, gaya ng kaso ni Teresa Arenas na inakusahan noong 1810 nina Maria del Carmen at Roberta de la Cruz. 3

Nakagrupo sa mga lamesa ang 10 hanggang 13 manggagawa; sila'y nakaupo sa sahig sa harap ng mababang lamesa. Sinasabing 2 sa mga ito ang naatasaang maglinis, magbatak at magtanggal ng sobrang tangkay ng tabako, 7 ang tagabibilot at 1 ang tagabilang, tagabalunbon at tagakilo. Ang mga naatasang magbilot ay binibigyan ng isang batong kasinlaki ng limon na pamalo sa dahon ng mga tabako, matapos nito'y lalagyan ang gitna ng pinalapad na tabako ng hiniwa-hiwang mga dahon rin ng tabako, lalagyan ng pandikit ang isang dulo at matapos noo'y irorolyo na. Ang bawat manggagawa sa lamesa'y tinatawag na operarias; sila'y pinamamahalaan ng isang cabecilla na nasa ilalim naman ng isang maestra.

Ang sistema ng pasahod ay batay sa bilang ng kanilang nagawa, sistemang kota. Yaong may pinakamaraming nabilot ay babayaran ng pinakamataas. Sinasabing ang bawat cigarrera ay nakagagawa ng humigit kumulang 100 hanggang 200 piraso bawat linggo.4

Bukod sa nabanggit nang pangangapkap5, ilan pa sa mga patakaran na kanilang pinagdadaanan ay ang matinding inspeksyon sa kanilang ginagawang pagbibilot. Sinasabing ang mali o masamang pagbilot ay karampatang parusa o multa.6 May karampatan ring multa ang paggawa ng tabako na mali ang timbang.7

Sa kabilang banda, bagaman makikitang ganoon na lamang kamakapangyarihan ang mga mestra na nagsisilbing bisor, may kapangyarihan rin ang mga manggagawa na ireklamo ang mga ito. Nariyan ang pagsusumbong kung sakaling may labag o pang-aabusong ginagawa ang mga maestra. Nagfa-file sila ng mga bayolasyon o paglabag na ginagawa sa kanila at sa loob ng pagawaan habang may trabaho. Halimbawa, inuulat nila ang paglalaro ng mga ito ng panguingui habang nasa trabaho, o ang ginagawang panghuhothot (extortion), pagsasalita ng masama at maging anng pananakit sa kanila.

Bunga ng mga pagmamaltrato, ilan sa kanila'y nanggigiit ng pagbabago na maging pareho-pareho ang pagpasok at pag-uwi mga trabahador. Sinasabing nagiging prerogatibo kasi ng mga guwardiya (madalas ay lalaki) ang pag-alis nang mas maaga ng ilang trabahador. Dagdag pa rito, ipinaglalaban din nila na tanging pagbibilot na lamang ang kanilang gagawin; ang paglilinis, pagbatak at pagtanggal ng sobrang tangkay ay hindi na nila dapat na ginagawa, dahil hindi naman sila binabayaran para sa mga gawaing ito.

Dahil sa ginawa nilang pagwewelga o alboroto noong 1816, natugunan ang kanilang mga kahingian. Mas mahigpit na ipinatupad ang mga patakaraan patungkol sa pangingikil na may karampatang parusa na pagkatanggal sa trabaho ng sinumang gagawa nito.8 Hiningi rin nilang bayaran sila ng direkta at huwag nang ipadaan pa sa mga cabecilla dahil bawas na ito kung makarating sa kanila. Bukod pa rito, kanila ring ibinukas ang pang-aabusong ginawa ng mga cuadrilleros (pulis) sa tuwing nakakasalubong sa daan. Ang reklamong ito ay iniulat ng inspektor ng kumpanya sa gobernador-heneral na nagpakilos naman sa mga alkalde na sulusyunan ang problema. 

Sa kaso ng mga maestras9, mayroon itong tatlong antas: ang tercera, segunda at primera. Sa pag-akyat niya sa pagiging primera ay tumataas rin ang kanyang sahod.10 Kapansin-pansin na ang sahod nila'y kapareho ng sa maestro (kanilang counter part). Bukod  pa rito, ilan sa kanilang benepisyong natatanggap ay pagkakaroon ng 40 araw ng maternity leave (bagaman 30 lamang ang madalas na ibiibigay ng kumpanya).11

Bordadoras at Costureras Ang mga dibuho noong ika-19 na siglo na kakikitaan ng mga kasuotang jusi o pina na may mga burda ay likha ng mga costureras at bordadoras. Sinasabing dahil sa ganda at masinsing paggawa. hindi lamang ito tinatangkilik ng mga nakaaangat sa lipunan (sa Pilipinas) bagkus ay ginagawa ring panregalo kina Reyna Victoria, sa Prinsipe ng Wales at maging sa bansang Espanya. Magkagayonman, ang mismong mga manggagawa ng mga nasabing magagarbong kasuotan ay hindi makayanang magkaroon ng mga gayon dahil sa mataas na presyo.

Iinuupahan ng sinamayera (o tindera ng tela) ang mga bordadoras ng Paco at Sta. Ana upang lumikha ng magagarbong mga disenyo na ilalako naman nila sa mas mahal na halaga sa mga mayayamang pamilya. Sinasabing ang kondisyon ng mga bordadoras, partikular ang hirap ng gawain na umaabot ng gabi (na minsa'y sumisingil sa kanilang kalusugan, may mga nabubulag at nagkakasakit) ay hindi natutumbasan ng kanilang mababang sahod. Ayon rin sa aklat ang industriya ng pagbuburda ay minsan ring hinawakan ng mga Sangley. Ang mga negosyante'y nagpapautang sa mga bordadora kapalit ang pagtratrabaho sa bahay / pagawaan ng negosyante. Sa pagpasok ng bagong siglo, pinalitan ng mga madre ang mga Sangley. Walang nakatitiyak kung ang kondisyon ng mga ito ay gumanda nang malipat sa mga relihiyoso ang pamamalakad.

Ayon sa tala noong 1887, makikita ang madami at magaling na mga bordadoras sa lugar ng Malate at Ermita. Sinasabing lumilikha sila ng mga disenyo sa mga panyo at sapin sa paa.

Kaugnay ng mga bordadoras ang pangangailangan sa mananahi. Sinasabing dahil sa kanilang bilang, madalas ay nakukuha sila sa mababang presyo. Ayon na rin sa akda, nakakuha lamang sila ng mas mataas na kompensasyon nang magtrabaho sa mga dayuhan. Halimbawa kay Sawyer, na isang negosyanteng Ingles, ay nagbabayad ng 6 na dolyres kada buwan. Dahil sa kinailangan din ang kanilang serbisyo nang dumating ang mga Amerikano, dito pa tumaas ang kanilang kita. 12

Maestras Ang okupasyong ito ang siyang itinuturing bilang tradisyunal na trabaho ng kababaihan, dala na rin marahil sa ekstensyon ito ng mga pambahay na gawain (eg. ang ina ang nagtuturo sa kanyang mga anak).

Bago ang Education Reform ng 1863, ang gawaing magturo ay iniaatas sa mga pari sa parokya. Subalit nang maisakatuparan ang pagbabagong ito, hindi na napasakamay ng mga relihiyoso ang edukasyon. Kaugnay nito, dahil sa may segregasyon sa mga babae at lalaking estudyante, nangangahulugan na nangangailangan rin ng mga gurong babae at lalaki. Kung kaya masasabing, bago pa  itinayo ang Superior Normal School for Women (SNSW) noong 1892, mayroon ng mga gurong babae sa primarya at sekundaryang antas.

Batay sa rekord ng mga aplikanteng kukuha ng sertipiko ng pagkaguro noong mga taong 1891-1893, 34 sa 66 na kukuha ay mga gradwado sa mga pribadong institusyon.13 Sinasabing matapos makakuha ng mga kursong panturo, ang bawat estudyante ng edukasyon ay kukuha ng isang qualifying exam para makuha ang titulong Maestra de Ynstruccion Primaria. Kalakip ng kaniyang application letter ang kanyang baptismal certificate. Dagdag pa rito, mayroon ring oral exam na pinamamahalaan ng corregidor ng probinsya at ng isang representatibo mula sa Junta Superior de Ynstruccion Primaria, kura-paroko, konsehal ng lunsod, at pinuno ng Escuela Municipal de Ninas. Noong 1891, nadagdagan pa ng 2 bagong representatibo ang komisyon. Ilan sa mga paksang itinatanong ay ang mga sumusunod: Doctrina Cristiana, Religion y Moral, Historia Sagrada, Aritmetica, Reglas de Urbanidad, Deberes de Maestras, Gramatica Castellana at Sistema Metrico Decimal. Matapos nito, bibigyan ng grado ang mga estudyante.14 Ang mga makapapasa ay bibigyan ng titulong Dona.

Ang Board of Public Instructions ang nagtatalaga ng magiging lugar-turuan ng isang guro. Sa pagkakataong ito, mapanpansing paikot-ikot at palipat-lipat ang mga guro.15 Kasabay rin nito, unti-unting nagsipagtayo ng mga pribadong paaralan ang iba pang mga guro.16 Bagaman itinuturing na sekular na ang pagtuturo, hindi pa rin maikakaila ang papel ng relihiyon at ng pari. Bukod sa mga tanong sa oral exam na halos moralidad ang nilalaman, ang mga pari rin ang nagsisilbing reference sa pagbubukas ng paaralan o dili kaya'y sa pagpapalipat ng lugar na pagtuturuan. Bunga nito, maaari rin nitong maging dahilan sa ilang mga harassment sa mga guro. Katulad halimbawa ng nangyari kay Dorotea Arteaga na ipinaaresto ng isang pari dahil sa diumano'y masamang gawi.17

Bukod sa nabanggit na harassment, madami ring mga problemang kinaharap ang mga guro. Halimbawa na lamang ay ang malaking bilang ng mga estudyante sa klase,18 o kaya ng mas maayos at mas malaking silid-aralan,19 mababang pasahod na madalas ay huli pa kung dumating. 20 Bukod pa rito, kapansin-pansin na ang rate ng maestra ay kaiba sa rate ng maestro.21

Ayon sa Reglamento 1863, ang isang bagong lisensiyadong guro (Maestra de Entrada) ay tatanggap ng buwang kita na 8pesos, samantalang ang isang substitute teacher ay 6pesos. Ang mga ayudante o teaching assistants ay tatanggap naman ng ¼ ng matrikula ng mga mayayamang estudyante. Subalit kinalaunan, ginawa itong 8pesos kada buwan simula noong 1895. Samantala ang mga Maestra de Ascenso ay tatanggap ng 12-15pesos at ang Maestra de Termino de Sugundo Grado ay 15-20 pesos. Bagaman may ganitong rate, kapansin-pansin na may diskrepansiya sa komputasyong ng sahod ng ibang guro na pareho ang istatus .22

May ilan din namang benepisyo. Ilan dito ang libreng pabahay o reimbursement ng kanilang gastos sa pagrerenta, binabahagihan ng ilang porsiyento sa sahod ng mayayamang estudyante, eksempsyon sa sapilitang paggawa o polo y servicios, at mayroon ding sistemeng promosyon at pensyon. Sinasabi ng artikulo 12 ng Regulation for School ang Teachers of Primary Education, maaaring tumaas ang ranggo ng isang guro matapos ang 3 taon depende sa rekomendasyon ng kura-paroko. Ang kura ang nagsisilbing inspektor at ebalwador sa gawain ng guro. Magkatatanggap rin ng pensyon at kalahati ng kanyang sahod sa ika-20 taon ng kanyang serbisyo at 4/5 ng kanyang sahod sa kanyang ika-35 na taon.

Ayon sa datos, mas madalas na mag-resign ang mga maestro kumpara sa mga babae. Sinasabing kung mag-reresign man ang mga babaeng guro, madalas ito ay resulta ng kalusugan o dahil gusto nang magmadre. Nang sumapit ang 1896 na rebolusyon, ang bilang ng mga guro ay mas bumaba pa dulot nang pagkakatanggal sa trabaho na dala ng pag-iwan sa paaralan dahil na rin sa takot o pagsapi ng kilusan bilang mensahera at impormante.

Kapansin-pansin rin ang mga murang edad ng mga pumapasok sa ganitong propesyon. Ang pinakabata ay 13 anyos lamang, si Dona Mauricia Mariano noong 1892. Subalit bago pa ang 1892 may isang sikular na lumabas na yaong mga 20 taong gulang pataas lamang ang maaaring magturo. At mahigpit ito noong ipinapatupad.

Ilan pang mga Datos Sa talaan sa likod ng aklat, makikita ang mga pangalan ng maestra sa Fabrica de Prinsesa noong 1874 na natanggal sa trabaho; mababasa rin ang kanilang posisyon at maging ang dahilan sa pagkakatanggal. Mababasa rin sa likod ang listahan ng mga guro na (at iba pang mga impormasyon ukol sa kanila) na nag-apply ng lisensya. Kapansin-pansin na higit kalahati ay galing sa Maynila, at 37.88% ay galing sa mga probinsya katulad ng Cavite, Bulakan, Ilocos Sur, Morong, Pampanga, Laguna, Bataan at Nueva Vizcaya. Dalawa guro lamang ang nag-apply na mula sa Bisaya, isa sa Negros at isa sa Iloilo. At wala kahit isang nag-apply na mula sa Mindanaw. Kapansin-pansin rin na kalahating porsiyento sa kanila ay indio, ang ilan ay mestiza, susundan ng mga Espanyola Filipinas at may ilan ring hindi binanggit ang lahi. Sa mga mestizo, nangunguna rito ang mula sa Tsina o Sangley, susundan ng Espanyola, at isang Inglesa.

Buhay Tubig

Ang Filipinas (ito ang mas pinili kong gamitin na pagbaybay dahil ito naman ang orihinal na ispeling ng ating bansa na mula sa pangalan ni Haring Felipe; panukala lamang noon ni Lope K. Santos, mga 1950s, natawagin itong Pilipinas. Hindi naman ito kataka-taka dahil sa wala namang titik F sa alpabetong ginagamit noon) ay may kulturang tubig. Hindi naman ito kataka-taka dahil sa isang arkipelago ang bansa.

Kung babalikan ang kasaysayan ng bansa, ang Barangay (na kinorap na baranggay sa kasalukuyang panahon salamat sa ideya ni Pangulong Marcos noong 1970s), ay isang malaking barko na binubuo na madaming pamilya / komunidad. Maging sa Manunggul Jar, ang tapayan na pinaglalagyan ng mga buto ng patay noong sinaunang panahon, ay kakikitaan ng bangka sa takip nito (pinaniniwalaan na isang mahabang paglalakbay ang kamatayan). Ang konsepto ng Vanua sa mga Ivatan (ng Batanes) ay paggawa ng isang port / pier, may kaugnayan muli sa tubig. Idagdag pa ang sari-saring pangalan ng bayan at probinsya ng bansa na nakabatay rin sa tubig. Halimbawa: Tagalog = Taga-ilog, Pampanga = Pampang, Pasig = beach (pansinin ang salitang ugat ng dalampasigan) at marami pang iba.

Ang mga Babae ni Rizal

Kung maririnig / mababasa ng mga nakakikilala sa akin ang pahayag na: Gusto kong maging si Maria Clara. Oo, si Maria Clara sa ‘Noli Me Tangere’ ni Rizal, marami marahil ang magugulat rito. Biruin mo naman, si Mic na madaming feminist chuchu framework sa katawan ay nagnanais na maging Maria Clara: ang simbolo ng babaeng mahina, walang sariling isip, laging hinihimatay sa oras ng panghihina, hindi nakatatayong mag-isa. Subalit, nang mabasa ko ang salin / bersyon ni Rio Alma sa “Noli Me Tangere” (Anvil, 2000) (at kung mababasa ninyo rin ito), tiyak na magbabago rin ang pananaw ninyo sa babaeng lagi’t laging ikinakabit sa kahinaan.

Sa partikular, kung babasahin ang Kabanata 61 na pinamagatang “Ikakasal si Maria Clara” (pah. 386), ang kabanatang nagsasalaysay ng pagkikita nina Maria Clara at Ibarra sa asotea ng dalaga, ganito ang inyong mababasa: Kinabig ni Maria Clara ang ulo ng binata, ulit-ulit na hinagkan ang mga labi, niyapos, at pagkatapos, pabiglang itinulak. Tama. Si Maria Clara ang may inisyatibo na halikan ang kanyang kasintahan (at hindi si Ibarra), si Maria Clara na imahen ng mahinhing babae ang kumabig sa ulo ni Ibarra at paulit-ulit na humalik dito. Ito rin ang unang halikan / kissing scene ng magkasintahan na inilalahad sa nobela.

Ang ganitong pagbabalik sa mga kuwento, buhay at kilos ng mga babaeng tauhan sa “Noli” ay hindi na bago. Mababasa halimbawa sa disertasyon ni Albina Pecson Fernandez ang ginawa niyang muling pagbasa / re-reading sa mga tauhang kagaya nina Donya Victorina at Donya Consolacion, na madalas ay iniuugnay naman sa mga hindi ideyal, social-climber, at iba pang mga negatibo na paglalarawan. Ayon sa isinulat ni Pecson-Fernandez, hindi matatawaran ang pagiging oryentalista at feminista ng mga nabanggit na tauhan. Si Victorina halimbawa, bukod sa kanyang kontrol (dahil na rin sa kanyang ekonomikong katayuan kumpara sa asawang doktor-doktoran, si Don Tiburcio de Espana), ay maituturing ring isang subersyon ang mali-mali nitong gramatika ng wikang kolonyal-patriyarkal, dahil “niloloko” at “binababoy” ang isang “makapangyarihang kultura.” Sa kabilang banda, may ganitong subersyon rin si Consolacion. Siya, hindi lamang sa “pakikipagsabayan” niya sa kanyang asawang alferez (gaganti siya kapag sinasaktan ng asawa), ang kanyang madalas na pagdungaw sa bintana (isang gawaing di-ideyal sa isang babae noong panahong iyon) at pagdedesisyon na maging pipi at huwag nang gamitin ang wikang Espanyol, ang wikang ito bilang patriyarkal na wika, ay pagsupil sa kapangyarihan ng wikang banyaga/maka-lalaki na kontrolin siya bilang babae.

May ganito rin re-reading sa katauhan ni Sisa na mas kilala sa pagiging matiising asawa at mapagmahal na ina na nabaliw dahil sa labis-labis na problema. Kung tutuusin, maaaring basahin ang kanyang pagkabaliw bilang isang kapangyarihan, isang lisensiya upang masabi ang lahat-lahat ng kamalian at kabulukan na hindi siya huhusgahan.

Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon ni Zeus Salazar

Hindi na bago sa akin ang motibasyon ni Salazar na gamitin ang taal o katutubong wika sa mga diskurso. Dahil sa ang wika ay hindi lamang simpleng pagsasama ng mga makabuluhang ponema o tunog bagkus ay balon ng kasaysayan at kalinangan ng isang bayan. Sa pamamagitan ng paggamit ng katutubong salita, mas naipapaliwanag at nakokontekstwalisa ang mga konsepto sa karanasang mas malapit sa ating pagiging Filipino

Naaalala ko noon ang diskurso niya sa pagkakaiba ng kasaysayan at history o historya. Para sa iba, maaaring aksaya lamang ng oras ang pagtalakay pa sa pagkakaiba ng 2 salita, maaaring simpleng paglalaro lamang ito o language play, dahil (mukha namang) magkapareho ang kahulugan batay sa gamit ng kasalukuyang panahon. Subalit kung pag-aaralang mabuti, matutukoy na napakalaki ng pagkakaiba ng dalawang salita. Kung babalikan ang salitang ugat ng KASAYSAYAN, na SAYSAY, ibig sabihin kahalahagan, importante. Samantalang kung susuriin ang salitang HISTORYA na ang pinagbatayan ay HISTORY, his + story. Ibig sabihin, kuwento na hindi awtomatikong importante o may halaga. Pansinin pa ang salita bago nito, HIS. Kung babasahan ito ng feministang diskurso, lumilitaw na kuwentong lalaki ang binibigyang pokus ng ganitong paglalahad. Sabagay, matagal na namang sinasabing patriyarkal ang wikang Ingles. Mula sa konsepto ng MAN na sumasaklaw sa sangkatauhan (kumpara sa TAO ng Tagalog), o FEMALE o WOMAN na kailangang laging nakaangkla sa MAN o lalaki at PERSON o per son (bawat anak na lalaki).

Sa artikulong ito ni Salazar, dinidiskurso naman niya ang pagkakaiba ng salitang REBOLUSYON o REVOLUTION sa HIMAGSIKAN at salitang BAYAN sa NASYON o NATION. Kung babalikan ang salitang ugat ng REBOLUSYON na hango sa REVOLUTION, mula ito sa salitang REVOLUTIO batay sa pandiwang REVOLVERE na ang nangangahulugang paggulong o pag-ikot. Katulad na lamang sa pagtawag natin sa pag-ikot ng mundo sa sarili nitong axis o pag-ikot ng mundo sa araw. Kung susuriin pa, walang signipikong pagbabago sa pag-ikot na ito. Isa lamang sirkulo na bagaman bababa ay tataas din at bababa muli para tumaas ulit. Samantala, ang salitang HIMAGSIK ay galing sa salitang BAGSIK na kung susuriin ay mas akma sa karanasang Filipino. Kung susuriin pa, hindi lamang ito simpleng pag-aamok bagkus ay resulta ng matinding galit, namumuong damdamin na maaalwan lamang sa pamamagitan ng paghihimagsik na kung titingnan ay nagmimistulang catharsis. Dagdag pa, ang himagsik ay huling yugto ng sama ng loob. Magsisimula muna ito sa hinampo, matapos ay hinanakit, tapos ay hinaing bago maging himagsik. Kung kaya bago makarating sa paghihimagsik, ay rurok na ng sama ng loob.

Iba naman ang kaso ng NASYON o NATION sa BANSA.

“Primo Viaggio Intorno al Mondo” (First Voyage Around the World) ni Antonio Pigafetta

Mga Tala ukol sa Pilipinas:

1)       Nakita noong Marso 16, 1521, Sabado, ang Zamal /Samar. Kinabukasan, dumaong sa ibang lugar: sa Homonhon.

a.       Kapansin-pansin ang ‘hospitality’ ng mga Filipino. Marso 18, sa isla ng Homonhon, may paparating na bangka na may 9 katao (galing sila sa Zuluan). Natutuwa silang (Espanyol) sinalubong (5 ang nanatiling kasama nila at 4 ang nangisda). Sa kabaitan, binigyan sila ni Magellan ng regalo tulad ng salamin, suklay, ivory atbp. Kapalit nito, binigyan sina Magellan ng isda, alak, saging at iba pa. Nangako rin sila na magdadala ng kanin at iba pang pagkain sa loob ng apat na araw. Marso 22, bumalik ang mga katutubo gaya ng ipinangako sakay sa dalawang bangka ang mga buko, sweet oranges (?), alak at manok. Binili nina Magellan ang mga ito. 

b.       Hitsura: Ang pinuno ay may mga tattoo, may suot na 2 gintong hikaw, gintong armlet at tela (kerchief) sa kanilang ulo, nakasuot ng telang gawa sa bulak at may burdang seda sa ilalim (na ginamitan ng karayom). Maraming nakatira sa isla na may malalaking hikaw na sa sobrang laki ay maaaring magkasya sa braso. Nakahubad sila, may telang gawa sa balat ng puno na nagiging pantakip sa kanilang ari. Mahaba ang buhok na hanggang bewang.

c.        Armas: Gumagamit ng mga patalim, sibat, malalaking shield at iba pa.

d.       Ang kanilang bangka ay katulad ng kay Magellan.

e.        Iba pa: pagbanggit sa samut-saring gamit ng buko katulad ng alak, pantali sa bangka, bao na sinusunog at ginagamit ang pulbos, laman na kinakain, sabaw, langis, suka at gatas.

2)       Marso 25, Lunes Santo, paalis na ng isla. Dinaanan: Cenalo, Hiunangan, Ibusson at Abarien (Dinagat, Cabugan, Gibuson at Manicani). Marso 28, nakakita ng apoy mula sa isang isla noong isang gabi kaya, dumaong malapit dito.  Ang lupain ni Raia Colambo.

a.       Sasakyang pandagat: May lumapit sa barko nina Magellan na mga boloto na may 8 katao. Kinausap sila ng alipin ni Magellan, si Henrich (o Enrique na mula sa Zamatra – Sumatra). Dahil nararamdaman ni Magellan na nag-aalangan pa rin ang mga katutubo, nagtapon siya ng mga gamit na kinuha naman ng mga katutubo para bumalik sa kanilang hari. Matapos ang 2 oras, nakakita sina Magellan ng 2 balanghai paparating. Inilarawan ito bilang 2 malaking bangka.

b.       Kabutihang loob / tiwala: Kinausap ulit ng alipin, kinalaunan, pumasok ang mga kasama ng hari (ang hari nasa distansya lamang). Magellan binigyan ng regalo ang mga pumasok, hari binigyan si Magellan ng isang malaking bareta ng ginto at basket na puno ng luya.  Marso 29, nang sinabi ng interpreter na kailangan ng pagkain sa barko, sumakay ang hari kasama ang 6-8 lalaki sa isang bangka papuntang barko at pumasok. Dala ang mga porselana, na puno ng kanin, dorado (isda) at iba pa.  Kapalit nito, binigyan ang hari ng regalo (tela na mula sa Turkey), sa mga tauhan naman ay patalim at salamin. At dito nagsimula ang inisyatibo na maging magkaibigan.

c.        Salosalo:  Hinainan sila (dalawang Espanyol, isa si Pigafetta na sumama sa hari) ng mga pagkaing baboy at alak (kahit Biyernes Santo). Walang maaaring uminom sa baso ng hari maliban kay Pigafetta (pahiwatig rin ng pagkakaibigan). Matapos nito ay hapunan: kanin, baboy na may gravy. Matapos nito, tumuloy sila sa bahay ng hari at  pinakain ulit: platera ng inihaw na isda at alak.  Pagkapasok ng prinsipe, naghain naman ng isda na may sarsa at kanin.

d.       Bahay ng hari: mukhang dayamihan (hayloft) na may dahon ng buko. Mataas at de-hagdad at ang mga poste’y gawa sa kahoy. Pinaupo sila sa banig na gawa sa kawayan.

e.        Pagkakaroon ng porselana, patunay ng kalakalan sa mga Tsino.

3)       Kinabukasan, sinundo ang mga Espanyol na nakitulog sa mga Filipino ng isang bangka. 3 katutubo ang kasama nila, kasama si  Raia Siaui ng Butuan at Calagan, pabalik sa barko para makikain at upang ipakita ang marami pang bagay.

a.       Kuwentong ginto: Ayon sa hari madaming ginto na kasinlaki ng mga itlog at walnut sa kanyang lugar. Maging ang mga plato niya’y gawa sa ginto at ilang bahagi ng bahay.

b.       Hitsura / Kasuotan: Ang buhok ayhanggang balikat at itim. May seda sa kanyang ulo, may 2 malaking gintong hikaw, nakasuot ng telang gawa sa bulak na binurdahan gamit ang seda.  May patalim sa tagiliran, ang hawakan nito ay mahaba at gawa sa ginto, samantalang ang lalagyan nito ay gawa sa kahoy na inukit. May 3 ginto rin siya sa ngipin. May pabangong ginamit na amoy storax at benzoin.

4)       Marso 31, Araw ng Pagkabuhay sa Mazaua (Limasawa).

a.       Mga kuwentong Kristiyanismo: Pinatawag ni Magellan ang pari para maghanda ng misa. 50 Espanyol ang nagmisa, walang suot na body armor pero may dalang armas (ka at nakasuot nang maganda. Sinalubong si Magellan ng 2 hari, pumunta sa lugar pagmimisahan. Binendisyunan ang 2 ng tubig. Hinalikan ng mga hari ang kurus, nakaluhod. Ninais ni Magellan na maglagay ng krus sa lugar. Ilalagay iyon sa pinakamatas na lugar sa isla. At tuwing umaga, maaaring dasalan at sa gayon ay maligtas sa kulog o kidlat o bagyo. Kinumbinsi ang hari sa pamamagitan ng pagsabi na malalayo ang lugar sa kapahamakan. Matutukoy ng ibang mga dayuhan, at kung gayon ay hindi sila sasaktan.

b.       Salosalo: Matapos malaman ng hari ang gagawing misa, nagpapatay ito ng 2 baboy.

c.        Iba pa: Itinanong rin ni Magellan kung may kaaway si Colambo dahil tutulungan sila nito.  Nabanggit na may 2 isla na kaaway niya pero hindi pa panahon para makipaglaban. Sinabi ni Magellan na kung sakaling makabalik siya sa lugar, magdadala siya ng mas madaming sundalo (nagbibigay-assurance na magkaibigan).

5)       Kinabukasan, aalis na sana ang mga dayuhan. (Pinayuhan sila ng hari na maaari silang bumili ng pagkain sa Ceylon, Zubu at Calaghann – Leyte, Cebu at Caraga; magpapadala pa ng mga piloto para samahan sina Magellan). Kinagabihan, nagbago na ng pasya si Colambo. Ayon sa kanya, kailangang maghintay ng 2 araw hanggang magapas ang mga palay at iba pang mga gawain. Humingi pa ito ng tulong kina Magellan na gumapas upang tapos agad. (dahil magkaibigan na ang turingan, magkaagapay na sa gawain). Nagboluntaryo rin ang hari na maging piloto. Nagpadala naman si Magellan, pero kain-inom-kinalaunan tulog ang ginawa ng mga hari.

a.       Transaksyon: Nakikipag-barter ang isa sa kanila ng kanin, prutas (figs) kapalit ang patalim. Mayroon naman, ginto kapalit ang mga 6 na tali ng glass beads.

b.       Hitsura: Inilarawan sila bilang hubad at madaming tattoo. Nakasuot lamang ng telang gawa sa balat ng kahoy para takpan ang kanilang ari.  Ang mga babae: telang kahoy mula bewang pababa, itim ang buhok at abot hanggang lupa. May butas ang tenga na may ginto.

c.        Libangan: Mahilig magnganga. Manginginom.

6)       Matapos ang 7 araw, bumiyahe na at dinaanan ang Ceylon, Bohol, Canighan, Baybai at Gatighan.

a.       Hayop: Sa huling nabanggit siya nakakita ng mga paniking kasinlaki ng agila at nang tinikman ay lasang manok. Dito rin nakita ang Tabon na ibon.

b.       Iba pa: Madalas, hinihintay ang hari ng Mazaua (mas mabagal ang takbo ng kanilang sasakayan).

7)       Abril 7:  Bagong destinasyon ang Zubu /Cebu ni Raia Humabon upang bumili ng makakain kapalit ang merkado sa barko.

a.       Usapang tributo: Humihingi ang hari ng tributo (katulad ng ibinigay ng junk ng Ciama (Siam). Ayaw pumayag ni Magellan dahil kapitan siya ng mas makapangyarihang hari. Nagbabala pa ito na magiging mabuti lamang sila sa mga taong mabuti rin ang sa kanila at gera kung gera.

b.       Kasunduan at pasya: pag-uusapan muna ng mga pinuno. Kinabukasan, sinabi ng hari sa pamamagitan ng notaryo na kung kaibigan ang pakay ng dayuhan, magbigay ito ng dugo mula sa kanang braso at maging siya ay gagawin ito. Na sinang-ayunan naman ni Magellan (blood compact). Kinabukasan, sabi ng Hari ng Mazaua, naghahanda na ang hari ng Zubu ng mga ibibigay na pagkain at magdadala ang hari ng mga tao niya para ipormalisa ang kasunduan (salosalo ulit).

c.        Usapang Kristiyanismo: (1) Kinagabihan, dumating ang pamangkin ng hari sa barko ni Magellan, kasama ang iba pa. Dito rin ibinukas ni Magellan ang usapin ng pananampalataya. Argumento ukol sa matatanda: Ayon sa mga katutubo, kapag matanda na ang mga magulang hindi na binibigyan ng dangal (honor) bagkus minamanduhan na ng mga anak. Ayon kay Magellan, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at dagat at iba pa ay nag-uutos na respetuhin ang mga magulang at kung hindi ay mapupunta ang tao sa lugar ng walang katapusang apoy. Hindi sila maaaring makipagtalik sa mga babae hanggat pagano ang mga ito. Kaugnay nito, hiniling na mag-iwan ng 2 tauhan upang magturo ng pananampalataya. Suhestiyon ni Magellan na maaari naman silang maging Kristiyano sa pamamagitan ng pari na kanyang dadalhin. (2) Abril 14, may misa, nagpabinyag ang hari. Dahil ayaw magpabinyag ng ibang namumuno tinakot ito ni Magellan  na papatayin at ibibigay ang ari-ari sa hari (pansinin ang harassment) kaya nagpabinyag ang lahat. (3) Inutos rin na sunugin ang mga anito at maglagay ng mga krus sa kanilang lugar.  Dadasalan nila ang mga kurus na magkadikit ang mga palad tuwing umaga at magbibigay tanda.  (5) Nagpabinyag na tinawag ang hari na Don Carlo, ang prinsipe ay si Don Fernando, ang hari ng Mazaua ay si Johanni at iba pang mga pangalan naging tunog banyaga. 500 lalaki ang nabinyagan na lalaki bago ang misa.  Matapos naman ang hapunan, pumunta ang pari sa reyna upang binyagan ito kasama ang 40 babae. Tinawag na siyang Johanna, ang asawa ng prinsipe ay Catherine, reyna ng Mazaua ay si Lisabeta. Sa kabuuan 800 lahat-lahat. (6) Nagsusunog ng mga kabahayan ng mga ayaw magpabinyag (harassment, nananakot). (7) Araw-araw nagmimisa.

d.       ‘Folk Christianity’:  Hindi naman sinunog ang mga anito. Bunga ito ng isang matandang maysakit at hindi nakapagsasalita ng 4 na araw. Kapatid siya ng prinsipe. Kinumbinse sila ni Magellan na sunugin ang anito at maniwala kay Hesus at kung binyagan ang lalaki’y gagaling ito agad. At kung hindi, pupugutan siya (Magellan) doon mismo. Punta sila sa bahay ng lalaki at bininyagan ito pati ang dalawa nitong asawa at sampu pang babae. Tinanong siya ni Magellan kung kamusta at nakasagot naman na mabuti-buti. Pinainom siya ng almond milk, nagpapadala rin ng rosewater, langis ng rosas at matamis. Bago matapos ang 5 araw nakalalakad na ang lalaki.  Kaya pinagsususnog na ang mga anito. 

e.        Ang Hari:  nakasuot ng scarf na may burda sa leeg at telang gawa sa bulak na pantakip sa kanyang ari, may kuwintas na malaki ang halaga, 2 gintong hikaw na may nga mamahaling bato. May tattoo. (Bago ang misa isang araw) nakasuot na ito ng sedang roba (kapansin-pansing nagbagong bihis at kasunod nito ay pagyakap sa Espanya: Ipinasumpa ni Magellan ang mga tao na maging tapat sa kanilang hari at sa kabilang banda, nangako naman ang hari na magiging tapat sa hari ng Espanya sa harap ng imahen ng Birhen).

f.         Pagkain ng hari: Sa banig may nakahain na mga itlog ng mga pagong na nasa 2 porselang lalagyan, may 4 na banga ng alak.

g.       ‘Entertainment’ sa bahay ng Prinsipe: (tutuluyan sa gabi) may 4 na babae na tumutugtog. Ang una’y may tambol na nakapatong sa sahig, ang ikalawa’y may pinapalong 2 nakalambiting metalikong disc na hinahampas ng pamalo/ stick na binalutan sa dulo ng tela, ang ikatlo’y pumapalo ng isang malaking gong, at ang panghuli at pumapalo ng 2 mas maliliit na gong (pansinin ang intrumentong gamit na gawa sa brass). May ring tatlong halos hubad na babaeng mananayaw ang prinsipe (pansinin ang mga babae bilang manunugtog o tagabigay ng aliw). Inilarawan ang babae: halos kasimputi at laki ng mga kalahi. Halos hubad maliban sa telang kahoy na bumabalot sa kanilang bewang hanggang tuhod, may butas ang mga tenga na may nakapasak na kahoy na nagpapalaki ng butas nito.  May mahabang itim na buhok at may suot na maliit na tela sa kanilang ulo. Nakayapak sila. 

h.       Ang reyna: (Noong nagpabinyag) balot ng itim at puti na tela.  Ang labi at kuko ay pula, may suot na sumbrerong gawa sa buko (ikumpara sa halos hubad na hitsura ng ‘ibang’ mga babae). Hiningi ang imahen ng batang Hesus kapalit ng kanyang mga anito. (Noong misa) Nakasuot ng itim at puti, may malaking sedang scarf na may gintong mga linya; pantakip ito sa kanyang ulo. Bukod pa rito mayroon rin siyang suot na sumbrero. Ang ibang babae: Mayroong 3 dalagitang nauuna sa kanya na may hawak na tag-iisang sumbrero ng reyna. Madami siyang kasunod na babae na nakahubad at walang sapin sa paa maliban na lamang sa telang balat ng kahoy na pantakip sa kanilang ari, may scarf sa kanilang ulo at nakalugay ang mga buhok.

i.         Iba pa: (1) May timbangan na gawa sa kahoy, (2) mga batang tumutugtog ng mga subin (pipes). (3) Ang kanilang mga bahay ay gawa sa kahoy, itinayo gamit ang mga mala-tabla at kawayan. Mataas ang mga ito sa lupa, may poste sa ibaba na nagtataas sa mga ito. De hagdan. May mga kuwarto rin at nasa silong ang mga baboy, kambing at manok. (4) Kapansin-pansin na sa tuwing bibili ang mga katutubo ng kanilang mga paninda, ginto ang pambayad ng mga ito sa bakal, metal at iba pang malalaking bagay; bigas, baboy, kambing at pagkain para sa maliliit na bagay. (5) Nagpaplano magbigay ng regalo si Haring Humabon sa hari ng Espanya ng alahas: 2 malaking hikaw, 2 armlets sa braso, siko at 2 singsing sa paa sa itaas ng sakong at iba pang mga mahahaling bato (pansinin ang dami ng mga mamahaling bagay).

8)       Kuwento ukol sa kalapit na isla, ang Matan na pinamumunuan nina Zula at Cilapulapu (isa sa mga sinunog na lugar dahil sa ayaw pasakop sa Espanya / Kristiyanismo):

a.       Nilalahad ang isang seremonya ng mga babaylan (sila’y mga babaeng matatanda) bago kainin ang baboy (p. 42). Sa nasabing salosalo, naghubad sila (divest themselves) at pinagsaluhan ang pagkain. Babae lamang ang kanilang iniimbitahan sa piging.

b.       Nilahad ang seremonya kapag may patay na pinuno. Kaugnay nito, sinasabing may dumarating na ibong itim tuwing madaling araw na ikinaaalulong ng mga aso (p. 44).

c.        Kasuotan:  Hubad ang mga tao maliban sa telang gawa sa balat ng kahoy na pantakip sa kanilang ari.

d.       Usaping sekswalidad: Ang mga lalaki, ang kanilang mga ari ay binutasan (pierced) ng mga ginto o tinggang bolts na kasinlaki ng mga quills ng goose. Tinatanong ni Pigafetta ang mga ito, bata at matanda, kung pwede niya makita. Sinasabing gusto ito ng mga babae at kung wala sila nito, ay hindi nila sila makikipagtalik (communication). Madami silang asawa, pero may prinsipal /pangunahing asawa. Lahat ng mga babae edad 6 pataas ay hindi na birhen.

e.        Iba pa: lagi’t lagi silang nagyayayang kumain at uminom. Ang ulam nila ay hindi lutong-lutong at maalat.

9)       Abril 26, pumunta ang anak ni Zula kay Magellan dala ang ilang pasalubong: 2 kambing. Nagpasabi rin ito na nais sana nitong ibigay ang mga hinihingi ni Magellan  subalit ayaw ni Cilapulapu. Humingi ito ng 1 bangkang puno ng tauhan ni Magellan na tutulong sa kanyang pakikipaglaban kay Cilapulapu. Nagpadala si Magellan ng 3 bangka kasama ang iba pang katutubong binyagan.

a.       Sa daungan ng Matan, nagpasabi si Magellan na kailangang kilalanin ni Magellan ang kanilang hari, magbigay ng tributo at kung hindi ay gagamitin ang mga sibat (lance). Nang umalis sa bangka para sumugod, nagitla sila sa ratio na 1500 :1 . Gumamit ng pana (crossbow) ang mga Espanyol subalit walang talab sa mga kalasag ng katutubo. Sumisigaw ng ‘Cease fire’ pero walang nakikinig, walang nakakaintindi sa mga katutubo.

b.       Nagpadala pa ng mga tauhan si Magellan na magsusunog ng mga kabahayan na lalong ikinagalit ng mga katutubo.

c.        Pinatatamaan sila (Espanyol) sa binti dahil walang bakal na pananggalan (armor) ito. Natamaan sa kanang binti ng panang may lason si Magellan. Pinaalis na niya ang iba, nagpaiwan siya kasama ang 6-8 katao lamang. May nagtanggal ng kanyang helmet pero laging siyang nakatatayo. Tinamaan rin ng kawayan sa mukha pero ang nanaksak ay napatay pa ni Magellan gamit ang kanyang sibat (Slow motion, mala-pelikula). Ginamitan rin siya ng espada (cutlass) sa kaliwang binti. At nang bumagsak lalong dinumog hanggang mamatay. (Ayon kay Pigafetta: “our mirror, our light, our comfort, our true guide”; melodramatic). Habang pinapatay ay nakuha pang tumalikod pa upang tingnan kung nakasakay na ang kanyang kalahi.

d.       Nang malaman ni Haring Humabon at iba pang katutubo na patay na si Magellan (noon ay nasa balanghai ang mga ito) naiyak siya (marahil iniisip na dahil natalo, nawalan ng kakampi; yung malakas pa man din.) Sa kabuuan, 8 Espanyol patay, 4 na katutubo na binyagan at madaming sugatan. 15 patay sa katutubo.

e.        Nagpasabi na ibibigay lahat ng paninda bilang kapalit ng katawan ni Magellan, pero ayaw nilang ibigay.

10)   Kuwentong Henrich: ayaw na sumunod sa utos ng bagong kapitan (si Duarte Barboza). Tinakot siya at binigyang diin ni Duarte Barboza na hindi dahil patay na kanyang amo ay malaya na si Henrich.

a.       Pumunta naman at kinausap ni Henrich si Haring Humabon naaalis na sila at kung gustong makuha nito ang barko at paninda ng barko ay sundin lamang ang plano niya. 

b.       Mayo 1, ibinalita ni Humabon na gawa na ang alahas na ipinangako niyang ibibigay. Nakiusap rin ito na samahan sila sa pagkain noong umaga. 24 sa mga Espanyol ang bumababa at pinatay.

11)   May ginawang panimulang listahan ng mga salita (tingnan ang talaan sa baba)

12)   Iba pang binisita:

a.       Nadaaan rin ang Bohol, Mindanaw ni Raia Calanao. Dito nagkaroon ng sandugo bilang tanda ng pakikipagkaibigan: kumuha ito ng dugo sa kaliwang kamay at minarkahan ang kanyang katwan, mukha at dulo ng dila at ganun din ang ginawa ng mga Espanyol. Ang bahay (ng hari):  madaming sulo at dahon ng buko.  Salosalo: habang naghihintay ng panggabihan, inuman (kahit ang 2 babaeng kasama). Gabihan ay kanin at maalat na isda na nasa porselanang lalagyan. Napansin ang pagluto ng kanin at kung paano ito kainin, parang tinapay. Iba pa: napansin na madaming ginto pero kakaunti ang pagkain. Wala silang bakal na panghukay dito. Malayo ang bahay ng reyna na gumagawa ng banig. Ang bahay (ng reyna): madaming porselana at gongs (iba-iba ang laki) na ginagamit pantugtog.

b.       Isla ng Caghaian (sa Sulu Sea) na puro Muslim na pinalayas sa Brunei. Nakahubad sila, may mga sumpit at pana na may lason. May mga patalim na ang hawakan ay gawa sa ginto at mamahaling bato.

c.        Sa Pulaoan: Madaming bigas, luya, baboy, kambing, manok, buko, camotes, tubo at iba pa. Nagsasaka sila. Kakaiba rin ang luto nila sa bigas na nasa loob ng kawayan.  Nakipagkaibigan sa pamamagitan sandugo. Nakahubad din ang mga tao. May mga sumpit. Importante ang mga brass rings at chains, bells, patalim at tanso para sa pangingisda. May sabong. May alak na galing sa bigas.

d.       Mula Brune, madaaan ang Bibalon (Sulu), pagkaalis tamang-tamang nakasalubong ang isang junk na galing Brune at naroon ang isang pinuno ng Pulaoan. Kinuha at ninakawan nila ang junk. Nagbigay naman ng ranson.

e.        Bumalik sila ng Caghaian at nakita ang Zolo at Taghima (Basilan). Dito nakuha ang 2 malaking perlas ng hari ng Brunei.

f.         Nadaan rin ang Cavit at Subanin (nasa isla ng Butuan at Calaghan) at ang isla ng Monoripa. Tirahan ang mga bangka. Sa Cavit at Subanin makakikita ng cinnamon. Ipinagpalit nila ang patalim na nakuha nila sa pinuno ng Pulaoan sa 17pounds ng cinnamon.

g.       Nadaanan rin ang Maguindanao na nasa isla ng Butuan at Calaghan. Kinuha nila nang sapilitan ang isang bigniday (sasakyang dagat) at pumatay ng 7 katao upang makakuha ng impormasyon ukol sa Maluco. Sa cape ng Butuan at Calaghan, nakakita ng mga Benaian (Manobo) na magulo / mabuhok (shaggy) ang hitsura, mandirigma at magaling sa panaan at kumakain sila ng puso ng tao.

h.       Dumaan sa Ciboco, Birahan Batolach, Saranggani at Candighar (Sibuco, Virano Batoloque, Saranggani at Balut). Sa 2 huli, makakikita ng madaming perlas at ginto. Dito, nangidnap sila upang magturo ng daan papuntang Maluco.

Annotated Bibliography (part 2)

Agoncillo, Teodoro. The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan. Lunsod ng Quezon: UP Press, 1996. Historikal na binalikan ng akda ang buhay ng bayaning si Andres Bonifacio. Binigyang pokus ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga panlipunan, politikal at ekonomikong kondisyon sa lipunan noong ika-labinsiyam na siglo na nagtulak sa kanya upang itatag ang Katipunan. Bahagi nito ang paglalahad sa naging pamamalakad ng mga prayle, pag-angat ng uring illustrado, kilusang repormista sa bansa at sa Europa. Bukod pa rito, bahagi rin ng libro ang pagtalakay sa paglilitis at kamatayan niya sa loob ng kakatatag pa lamang na republika. Kapansin-pansin na may diin ang diskurso ng akda sa pagkakaiba ng uri (class) sa mga desisyon at aksyon ng mga prinsipal na tauhan sa kasaysayan noong ika-labinsiyam na siglo.

Camagay, Ma. Luisa. Working Women of Manila in the 19th Century. Lunsod Quezon: UP Press, 1995. Bahagi ang aklat sa pagbuo sa kaysaysayan ng bansa, lalong higit sa napiping mga kuwento / buhay ng mga babae sa lipunang Pilipino, lalo na yaong nasa mababang uri. Sa partikular, muling isinalaysay ang mga karanasan ng mga babaeng manggagawa sa Maynila noong ika-labinsiyam na siglo. Kabilang sa mga okupasyong bibigyang pansin ay ang pagiging cigarreras (manggagawa sa pagawaan ng tabako), criadas (nangangatulong), tenderas (nagtitinda sa mga sarisari store), vendadoras (tindera), costureras (mananahi), bordadoras (tagaburda) at maging ang mga mujeres publicas (nasa prostitusyon), guro at komadrona. Sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa mga kuwentong ito, hindi lamang nababasag ang iisang tinig at karanasan ng kababaihan na madalas na mabasa (yaong elit o nasa panggitnang uri lamang), binabasag rin nito ang de-kahong imahen ng babae noong panahong iyon na mala-Maria Clara, tahimik, matiisin at mahiyain.

Fernandez, Doreen. Tikim: Essays on Philippine Food and Culture. Lunsod ng Pasig: Anvil Publishing Inc., 1994. Iuugnay ng akda ang mga pagkain at mga karanasang kaugnay nito sa kultura at lipunang Filipino. Ang unang bahagi at patungkol sa samut-saring pagkain at panlasang Filipino. Sa partikular, binigyang buhay sa mga sanaysay ang ugnayan ng iba’t ibang pagkain sa kalye sa ekonomikong kondisyon ng bansa. Tinalakay rin ang samut-saring baryasyon ng nilaga sa bansa (eg. tinola, sinigang, bulalo) at ang iba’t ibang inobasyon sa mga putaheng Pilipino. Tinalakay rin ang samut-saring putahe at produktong pampagkain ng ilang probinsya at rehiyon (eg. sukang paombong ng Bulakan, lumpia ng Silay, habhab ng Lucban, ang durian at mangga) at ang kasaysayan at pamahiin sa pagkain ng pansin. Ang ikalawang bahagi ay may kaugnay sa tao at mga lugar. Ilan sa mga sanaysay na tinalakay ay ang mga prominenteng mga lalaki sa larangan ng panitikan, unibersidad, simbahan at negosyo na bumabali sa isteryotipo ng lalaking hindi marunong magluto, ang pagbabago sa hitsura at espasyo ng kusina (at mga kagamitang nasa loob nito) ng mga Filipino, at mga sikat na restawran noon (eg. Selecta, Aristocrat, Bulakena, Little Quiapo, Max’s). Ang pangatlo ay ukol sa mga libro at mga pagsasalo. Bahagi nito ang pagtalakay sa iba’t ibang putaheng inihain sa ilang mga pagsasalo sa loob ng nobelang Filipino at ang samut-saring menu tuwing Araw ng mga Puso, Noche Nuena at inihahain sa fiesta ng Silay, Angono at iba pa. Ang panghuling bahagi ay patungkol sa mga pagkain sa kasaysayan. Ilan sa mga tinalakay ang iba’t ibang prutas, gulay, putahe na Mehikano, Espanyol at Pranses na pumasok na sa panlasang Pinoy.

Garcia, J. Neil at Danton Remoto (eds.). Ladlad: An Anthology of Philippine Gay Literature. Lunsod ng Pasig: Anvil Publishing Inc., 1994. Binubuo ang akda ng mga kontempranyong kuwento, tula, sanaysay at dula na isinulat at / o umikot sa mga karanasan at usaping bakla. Sinasabing isa itong espasyo upang mapakinggan ang mga taong madalas ay itinuturing na “Iba,” espasyo para lumabas sa aparador (closet) na sa proseso ay makapagbibigay-kapangyarihan at espasyo sa sarili na daan rin upang buwagin ang mga isteryotipikal na nosyon sa pagiging bakla. Bukod sa mga editor, mababasa rin sa sa antolohiya ang gawa nina Jimmy Alcantara, Edzel Cardil, Miguel Castro, Rands Sanchez Catalan, Honorio Bartolome de Dios, Vicente Groyon III, Jaime An Lim, Alfredo Moran, Earl Navarro, Murphy Red, R. Fulleros Santos, Jerry Torres, Ronald Baytan, Manny Epistola, Ralph Semino Galan, R. Zamora Linmark, V.E. Carmelo Nadera Jr., Nicolas Pichay, Raul Regalado, Glenn Joseph Toscano, Juan Rufino Vigilar, Eduardo Nierras, Michael Tan, Rodolfo Lana Jr., Chris Martimez at Aureaus Solito.

Guerrero, Amado. Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Pilipinas: Palimbagang Sentral, 1986. Gamit ang Historiko-Materyalistikong pananaw sa pagsusuri ng lipunan, muling binalikan ng aklat ang kasaysayan ng bansa mula prekolonyal hanggang sa Rehimeng Marcos. Bahagi rin nito ang pagsasalaysay sa kasaysayan ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Dahil sa malinaw na Marxista-Leninista-Mao Zedong ang oryentasyon ng libro, tinatalakay rin ng akda ang ekonomikong base ng Pilipinas, kasama ang mga moda at pwersa ng produksyon, sa bawat panahon at rehimen. Dagdag pa sa mga nabanggit, diniskurso rin sa ikalawang bahagi ng aklat ang konsepto ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo bilang mga pangunahing problema ng lipunan. Tinalakay naman sa ikatlong bahagi ang Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB) bilang solusyon sa nasabing mga problema. Kaugnay ng huling kabanata, inilahad rin sa bahaging ito ang katangian ng DRB at ang mga pagbabagong maidudulot nito sa larangan ng politika, military, ekonomiya at kultura. Bukod pa rito, inilahad rin ang samut-saring mga uri sa lipunan at ang taktikal na pakikipag-alyansa sa ilan sa mga ito.

McCoy, Alfred (ed.). An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines. Lunsod ng Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1994. Uniikot ang mga sanaysay sa akda sa impluwensiya, kapangyarihan at papel na ginagampanan ng ilang mga prominenteng apelyido / pamilya sa pagbuo ng politika ng bansa, sa rehiyon hanggang sa pambansang saklaw. Inilahad ng mga sanaysay ang mga panlipunang kondisyon at iba pang mga salik sa pag-akyat ng mga pamilyang ito sa larangan ng pamamalakad ng gobyerno. Ilan sa mga konseptong tinalakay sa mga akda ay konsepto ng kinship network, political dynasty, rent seekers / rent seeking, at warlords. Ilan din sa mga prominenteng pangalan / pamilya na binigyang pokus sa loob ng akda ay sina Justianano Montano ng Cavite, mga Durano ng Danao, si Mohamead Ali Dimaporo sa Mindanao, mga Osmena sa Cebu, mga pamilyang Pardo de Tavera at Lopez.

Mojares, Resil B. Theater in Society, Society in Theater. Lunsod ng Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1985. Binubuo ang aklat ng tatlong bahagi. binalik-tanaw sa unang bahagi ang buhay at kasaysayan ng Barrio Villadolid sa Cebu bago pa dumating ang mga Espanyol sa lugar at maging bahagi ng Carcar sa ilalim ng korporasyon ng mga Agustino hanggang sa kontemporanyong panahon. Tinalakay naman sa ikalawang bahagi ang samut-saring relasyon, hirarkiya, sistema at kaayusan ng teatro, ang linambay, ng barrio. Kasama ritong tinalakay ang iba’t ibang tauhan sa likod at harap ng entablado, ang paraan ng produksyon o pagtatanghal, ang posisyon at komposisyon ng mga manonood, ang banghay ng dula at ang maging ang fiesta na natumatangkilik rito. Mababasa naman sa huling bahagi ang pagbabago sa sosyo-ekonomikong katayuan ng barrio mula sa pag-usbong hanggang sa pagkalaos ng linambay. Bahagi nito ang pagdiskurso sa nananaig na relasyon at sistemang pyudal at / o agrikultural. Kaugnay nito, inilahad sa kabanatang ito ang masalimuot na ugnayan kasaysayan, lipunan at teatro ng nasabing barrio.

Petrierra, Raul at Eduardo Ugarte (eds.). Cultures and Texts: Representations of Philippine Society. Lunsod ng Quezon: UP Press, 1994. Binubuo ang aklat ng anim na sanaysay mula sa iba’t ibang disiplina katulad ng antropolohiya, sosyolohiya, politika at panitikan. Ang unang sanaysay na isinulat ni Teruya Adachi ay umiikot sa pagdaraos ng Moriones sa probinsya ng Marinduque. Tinalakay naman sa sanaysay ni Paul Mathews ang papel na ginagampanan ng batang binibinyagan sa kultura at sistemang kumpare / kumare ng komunidad. Inilahad naman ni Benedict Anderson ang mga kahinaan sa salin na ginawa ni Leon Ma. Guerrero sa nobelang “Noli Me Tangere” ni Jose Rizal. Kaugnay nito, dinalumat rin ng awtor ng sanaysay ang mga dahilan sa naging pagsasalin ni Guerrero. Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng pagkritik sa etnograpikong mga sulatin nina Jean-Paul Dumont at Renato Rosaldo ukol sa Pilipinas, nagbigay ng panunuri si Raul Pertierra sa mga nananaig na paglalarawan at pangongolekta ng datos sa larangan ng antropolohiya. Tinalakay naman ni Priscelina Patajo-Legasto sa kanyang akda ang mga hamon at problemang kinakaharap ng mga feminista sa bansa, partikular sa mga dula. Sinuri naman at pinuna ni Andrei Adamkiewicz sa kanyang sanaysay ang mga pag-aaral na ginawa ni Dean Worcester ukol sa Pilipinas na naging batayan ng bansang Amerika sa programa nitong kolonyalissasyon / aneksasyon.

Salazar, Zeus. “Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas,” Bagong Kasaysayan, Lathalain #4 (1999). Nahahati ang akda sa limang bahagi. Inilalahad ng unang bahagi ang pagkakaiba at ugnayan ng konseptong “babae” at “babaylan” o “katalonan.” Matapos nito, tinalakay naman ng ikalawa hanggang ikaapat na bahagi ang kalagayan at katayauan ng babaylan / katalonan sa tatlong magkakaibang panahon: (1) panahong dati o prekolonyal na panahon hanggang sa pakikipagtunggali sa kolonyalismong Espanyol, (2) panahon ng Kastila o pagpasok ng Kristiyanismo hanggang sumiklab ang Himagsikang Pilipino noong 1896 at (3) ang huling panahon o mula rebolusyon hanggang kasalukyan. Susumahin naman ng huling bahagi ang mga inilahad na kaisipan. Kakikitaan rin ang akda ng ilang mga larawan ng babaylan habang isinasagawa ang ritwal at mga bagay na kanilang ginagamit at isinusuot. Dagdag pa rito, may ginawa ring mga dayagram ukol sa ugnayan “kaluluwa” at “ginhawa” sa “pagkatao.”

Schumacher, John. The Making of a Nation: Essays on Nineteenth-Century Filipino Nationalism. Lunsod ng Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1991. Sentral na paksa ng libro ang pag-usbong at pagbuo ng pambansang kamalayan ukol sa bansa at pagkabansa noong ika-labinsiyam na siglo. Kaugnay nito, ilan sa mga tinalakay ay ang (1) tungkulin ng mga historyador sa pagkuha at pagbuo sa kasaysayan ng bansa, kaugnay nito ang pananaliksik sa mayamang nakaraan bago pa man dumating ang mga Espanyol, (2) ang mga pagbabago sa ekonomiya, politika, kultura at lipunan na salik sa pagbuo ng pambansang kamalayan ng mga propagandistang katulad ni Rizal, (3) ang pagbunyag sa dinoktor na mga dokumento ukol kay at dinumano’y isinulat ni Padre Burgos, partikular ang dokumento ukol sa kanyang paglilitis at ang diumano’y nobela niyang “La Lobo Negra, (4) ang papel na ginagampanan ng sining, halimbawa ng “Noli Me Tangere,” sa pagsulong ng pagbabago sa lipunan at pagbuo ng kamalayang Pilipino, (5) buhay ng isa sa naunang tagasulat ng biyograpiya ni Rizal na si Wenceslao Retana at ang posisyon / papel niya sa pagsusulat / paglikha ng kasaysayan ng bansa, (6) ang papel na ginagampanan ng masonriya sa mga kilusang makabayan at (7) mga kontemporanyong histograpiya sa pagbuo ng konsepto ng pagkabansa.

Scott, Henry William. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Lunsod ng Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1994. Muling binalikan ng akda ang samut-saring buhay, kultura at lipunang ginagalawan ng mga Filipino noong ika-labing-anim na siglo batay sa mga isinulat at nakita ng mga kanluranin katulad nina Blair at Robertson, Antonio Pigafetta, Miguel de Loarca, Juan Plasencia, Pedro Chirino, Antonio de Morga at mga Espanyol na nagsulat ng mga diksyunaryong noon,. Tinalakay sa unang bahagi ang pisikal na anyo, pagkain at agrikultura, kalakalan at komersiyo, relihiyon, panitikan, kalikasan, panlipunang organisasyon, at militar ng Kabisayaan. Binubuo naman ang ikalawang bahagi ng buhay at kultura ng mga taga-Luzon at Mindanao. Kaugnay nito, dinalumat rin ng libro ang ugat ng salitang “barangay,” ang iba’t ibang depinisyon at kahulugan nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula sa prekonlonyal nitong konsepto hanggang sa kasalukuyan. Ganito rin ang ginawa sa salitang “Filipino.” Panghuli, tinalakay rin ng akda ng samut-saring wika at ortograpiya sa Pilipinas, “Wave Migration Theory” at ang iba’t ibang pag-uuri / klasipikasyon / hirarkiya sa lipunan na nakabatay sa wika, relihiyon, lahi at iba pa.

Tiongson, Nicanor. The Women of Malolos. Lunsod ng Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2004. Ang buong akda ay umiikot sa kababaihan (at kanilang pamilya, ninuno) ng Malolos, partikular yaong mga Sangley na nasa mayaman at / o panggitnang uri sa lipunan. Nahahati ang unang bahagi sa apat na kabanata: (1) ang mga ekonomikong kondisyon na salik sa pag-usbong ng mga Sangley sa Malolos, (2) ang mga politikal na kondisyon, kaganapan at personalidad na salik sa kilusang reporma, kilusang laban sa mga Espanyol at Amerika, (3) ang samut-saring sulat ukol sa buhay at opinyon ng mga babae ng Malolos, kasama ang paglalahad ng kanilang mga gawain at aksyon, para sa pagbabago sa lipunan, at panghuli (4) ang pagsusuma sa mahalagang kontribusyon ng mga babaeng ito sa kilusang pangkababaihan sa bansa. Mababasa naman sa ikalawang bahagi ng akda ang biograpiya ng dalawampung babae ng Malolos na nagsulong ng mga pagbabago: sina Elisa Tantoco Reyes, Juan Tantoco Reyes, Leoncia Santos Reyes, Olympia San Agustin Reyes, Rufina Tengco Reyes, Eugenia Mendoza Tanchangco, Aurea Mendoza Tanchangco, Basilia Villarino Tantoco, Teresa Tiongson Tantoco, Maria Tiongson Tantoco, Anastacia Maclang Tiongson, Basilia Reyes Tiongson, Paz Reyes Tiongson, Aleja Reyes Tiongson, Mercedes Reyes Tiongson, Agapita Reyes Tiongson, Filomena Oliveros Tiongson, Cecilia Oliveros Tiongson, Feliciana Oliveros Tiongson at Alberta Santos Tiongson. Dagdag pa rito, makakikita rin ng mga larawang kaugnay sa mga nasabing kababaihan.

Annotated Bibliography (part 1)

Aguilar, Delia. Towards a Nationalist Feminism. Lunsod ng Quezon: Giraffe Books, 1998.

Inilahad ng mga sanaysay ng akda ang ilang misohinistang pananaw ukol sa kasarian at sa kababaihan. Isa na rito ang konsepto ang sekswal na dibisyon sa paggawa. Ayon sa sanaysay, natutukoy na ang uri ng trabaho, lugar, sahod at posisyon sa lipunan ng isang tao batay lamang sa kanyang kasarian. Pinuna rin ng ilang sanaysay ang pananaig ng macho na kultura maging sa mga pambansa demokratikong organisasyon at ang tendensiya ng mga ito na gawing sekondaryang kontradiksyon lamang sa pakikibaka ang usapin ng kasarian. Bukod pa rito, binigyang diin rin ng akda na ang feminismo ay isang heterogeneous na pananaw. Sinasabing kailangang langkapan ang pananaw na ito ng mga usaping katulad ng lahi, uri at etnisidad upang mabigyan ng espasyo at boses ang karanasan ng ibang mga babae. Kailangan itong gawin upang mabura ang konsepto na ang feminismo ay yaon lamang karanasan ng puti, panggitnang uri at Anglo-Amerikana. Sa kabuuan, umaalingawngaw sa buong akda ang Marxista-Feminista-Ikatlong Mundo sa pagbasa sa karanasan ng Filipina.

De Guzman, Odine (ed.). Body Politics: Essays on Cultural Representations of Women’s Bodies. Lunsod ng Quezon: UP UCWS, 2002.

Binubuo ang aklat ng iba’t ibang mga sanaysay na tumatalakay sa iba’t ibang pagpapakahulugan sa katawan ng Filipina at iba pang mga kaisipang kaugnay nito. Tinalakay ni Neferti Xina Tadiar sa kanyang sanaysay ang posisyon ng Filipina bilang komoditi at manggagawa sa gitna ng globalisasyon. Mababasa naman sa sulatin ni Maria Josephine Barrios ang representasyon ng babae sa harap at likod ng entablado sa Timog Silangang Asya. Rebolusyunaryo / militanteng katawan ng Filipina batay sa mga nobela nina Jose Rizal at Zelda Soriano ang inilahad ng sanaysay ni Caroline Hau. Tungkol sa samut-saring programa at polisiya ng pamahalaan ukol sa populasyon na nakumukontrol sa katawan ng Filipina ang nilalaman ng sanaysay ni Sylvia Estrada-Claudio. Tinalakay naman ni Florence Macagba-Tadiar sa kanyang akda ang kasalukuyang kondisyon ng maternal health care ng bansa. Reproduktibo at sekswal na kalusugan naman ng mga kabataan ang nilalaman ng akda ni Carmeli Marie Chavez. Tinalakay naman ni Ana Ebo ang konsepto ng seksismo at katawan batay sa mga ginagamit na email address ng kanyang mga estudyante. Panghuli, isinalaysay naman ni Roselle Pineda ang kanyang personal na kuwento ukol sa kanyang timbang.

Encanto, Georgina Reyes. Constructing the Filipina: A History of Women’s Magazines (1891-2002). Lunsod ng Quezon: UP Press, 2004.

Gamit ang konsepto ng hegemony ni Antonio Gramsci at ideological state apparatus ni Louie Althusser, muling pinag-aralan ng aklat ang pag-usbong at pag-unlad ng mga magasing pambabae. Hinati ng awtor sa limang magkakaibang panahon ang pag-unlad ng mga magasing pamababae: 1891-1898 o panahon ng pagpapasailalim at paglaban sa pyudal na patriyarkiya sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol, 1898-1945 o panahon ng paggigiit ng karapatan ng mga babae sa ilalim ng pamamahala ng mga Amerikano, 1945-1971 o panahon ng pagpapalalim ng kolonyal na karanasan ng Filipina, 1972-1986 o ang pakikisangkot ng mga pambabaeng magasin sa mga isyung pulitikal at nasyunal at 1986-2002 o ang panahon ng pagpapatuloy sa pagpapalaganap ng mga kaisipang maka-babae. Ayon sa akda, bagaman nagiging daluyan ang mga babasahing ito ng mga dominanteng ideyolohiya (patriyarkiya) na (malay o di-malay na) nakaiimpluwensiya sa kanyang mga mambabasa, nagiging espasyo rin ito upang tunggaliin ang nananaig na pananaw.

Estrada-Claudio, Sylvia. Rape, Love and Sexuality: The Construction of Women in Discourse. Lunsod ng Quezon: UP Press, 2002.

Tinalakay sa libro ang mga usapin ukol sa katawan ng babae, partikular yaong mga may kaugnayan sa sekswalidad. Bahagi nito ang pagtuklas, pag-angkin at pagdesisyon ng babae sa kanyang sariling katawan, ang mga isyu ukol sa pagbubuntis, kontrasepsyon, reproductive health at iba pa. Bukod pa rito, tinalakay din ng mga akda kung paano kinokontrol ng kasalukuyang sistemang kapitalista-patriyarkal ang katawan ng babae batay sa konsepto ng kagandahan na mapapanood sa mga patalastas.

Eviota, Elizabeth. The Political Economy of Gender. London: Zed Books Ltd., 1993.

Sa muling pagbaybay ng aklat sa kasaysayan ng Pilipinas at paglahad sa mga pagbabago sa lipunan at sistema ng ekonomiya, ipinakita nito ang ugnayan ng kasarian (sex) at sistema ng paggawa sa bansa. Sinasabing (madalas) sa pamamagitan ng pagtukoy sa kasarian ng isang tao, kung babae ba o lalaki, natutukoy na rin ang uri ng trabaho niya sa lipunan, kapalit na bayad at maging ang halaga ng kanyang paggawa na sa proseso ay nakalilikha ng dibisyon sa paggawa. Sa kabuuan, hinati ang aklat sa apat na panahon: Prekolonyal, 1521-1896 o Panahon ng Espanyol, 1898-1942 o Panahon ng Amerikano at 1946-1989 o Kontemporanyong Panahon.

Garcellano, Edel. Knife’s Edge. Lunsod ng Quezon: UP Press, 2001.

Gamit ang Marxistang lente, pinuna ng akda ang limitadong pagbasa (close reading) sa akda at ang “karerismo” ng ilang manunulat at kritiko. Gamit muli ang nasabing pananaw, binasang muli (re-reading) ng awtor ang iba’t ibang panitikan ng Pilipinas, mula sa mga canon hanggang sa panitikang underground. Maliban sa Marxismo, nilangkapan rin ng feminismo at post-istrakturalismo ang ilang mga pagbasang ginawa. Sa kabuuan, pinapalagay na ang pagsulat ay resulta hindi lamang ng kagalingan ng isang manunulat sa gramatika at retorika bagkus ay may baon na kultural at panlipunang kaisipan. Sa madaling salita, ang pagsusulat ay isang pulitikal na gawain. Ganito rin ang pananaw sa pagsusuri / pagbabasa ng mga teksto.

Halili, Servando Jr. Iconography of the New Empire: Race and Gender Images and the American Colonization of the Philippines. Lunsod ng Quezon: UP Press, 2006.

Ipinakita ng akda ang mahigpit na ugnayan ng lahi at gender sa pagpapatupad ng mga patakarang kolonyal ng Amerika sa Pilipinas. Binigyang diin ng akda na nagiging instrumental ang mga kartun (cartoon) at karikaturang politikal na nasa mga pahayagan at magasing Amerikano upang bigyang katwiran ng mga kolonyalista sa kapwa nila Amerikano ang aneksasyon ng Pilipinas. Kapansin-pansin ang mga halimbawa ng mga isteryotipikal na paglalarawan sa mga Pilipino bilang mga itim o mukhang Mehikano upang bigyan ng impresyon na mababa at di sibilisado ang lahi; nagpapatibay rin ito sa asersyon na hindi pa kayang tumayong mag-isa ng mga Pilipino, na hindi pa nila kayang pamahalaan ang sarili, na kailangan nga nila ng tulong ng Amerika. Kapansin-pansin na ganito rin madalas ang pagkakalarawan sa unang pangulo ng bansa, kay Emilio Aguinaldo. Sa kabilang banda, kapansin-pansin naman ang imahen ng puti Anglo-Amerikana sa mga kartun bilang “mabuting” ina na handang tumulong at gumabay sa kanyang anak na si Pilipinas.

Mojares, Resil. Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History. Lunsod ng Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2002.

Muling binalikan ng akda ang kuwentong bayan ukol kay Maria bilang ideyolohikal na kuwento sa paglikha sa konsepto ng pagkabansa ng mga Pilipino. Tinalakay rin sa dalawang sanaysay ang kronika ni Pigafetta ukol sa Pilipinas at ang oryentalistang (orientalism) pagbasa ni Rizal sa mga isinulat ng mga Kanluranin, katulad nina Pigafetta at Morgan, ukol sa Pilipinas. Diniskurso naman ng isang sanaysay ang relasyon ng mga libro ukol sa tamang gawi at kilos sa ideya ng katawan ng kolonyal na Filipina. Inilarawan naman sa isang sulatin ang menu na ginamit sa dalawang magkaibang okasyon noong panahon ng Espanyol at Amerikano bilang pagpapakita hindi lamang ng pamumuhay ng mga tao noon kundi maging ng hirarkiya sa lipunan at nananaig na kultura ng mga elit. Tinalakay naman sa dalawang sanaysay ang buhay ng mga binyagang sina Miguel Ayatumo at Pedro Calungsod. Bahagi ng sanaysay ang pagtalakay sa politika at motibasyon sa kanilang pagiging banal. Sa huling sanaysay, tinalakay naman ang samut-saring konsepto ng bayan / nasyon batay sa mga biyograpiya at sulatin ng mga intelektwal kagaya nina Apolinario Mabini, Emilio Aguinaldo, Rafael Palma, Teodoro kalaw at iba pa. Ilan pa sa mga paksang tinalakay ng akda ay ang imahen ng Birhen ng Guadalupe sa Cebu, at pulitika at radyo. Sa pamamagitan ng mga sanaysay na ito, humahabi ang akda ng mga kaisipan ukol sa lipunan, kamalayan at karanasang Pilipino.

Quindoza-Santiago, Lilia. Sa Ngalan ng Ina. Lunsod ng Quezon: UP Press, 1997.

Bukod sa pagiging mayamang koleksyon ng mga tulang feminista sa bansa mula 1898-1989, tinalakay ng aklat sa kanyang mga kabanata ang iba’t ibang aspektong pangkababaihan. Sa unang kabanata, tinalakay ang posibleng ugat ng konseptong feminismo sa bansa. Bahagi ng kabanatang ito ang pagproproblematisa sa pagkakaiba ng mga salitang Babae, Pagkababae at Kababaihan. Nagbalik-tanaw naman ang ikalawang kabanata sa kasaysayan ng bansa upang dalumatin ang konsepto ng pagkababae sa lipunang Filipino. Tinalakay naman sa ikatlong bahagi ang sistemang patriyarkal na nanaig sa wika at panitikang bayan ng bansa. Muli namang binaybay sa ikaapat na bahagi ang pag-unlad ng panulaan ng kababaihan sa tatlong wika: Iloko, Tagalog at Ingles. Hinati ito sa tatlong panahon ang pag-unlad: 1889-1937 bilang panahon ng pagkamulat at pagbangon, 1937-1970 bilang panahon ng supil na feminismo sa mga kilusang panlipunan at 1970-1989 bilang panahon ng bagong kababaihan. Nagprisenta naman sa huling kabanata ng panibagong paraan ng pagdalumat, ang panunuring malay sa kasarian, sa muling pagbasa sa mga panitikan ng bansa.

Reyes, Soledad (ed.). Reading Popular Culture. Lunsod ng Quezon: ADMU Office of Research and Publication, 2002.

Binigyan ni Ricardo Abad ng tatlong sosyolohikal na pagbasa, consensus, conflict at interpretative, ang pag-aaral ng kulturang popular. Tinalakay naman ni Cirilo Bautista sa unang bahagi ng kanyang sulatin ang historikal na konteksto ng mga nobela ni Rizal at sa ikalawang bahagi naman ang semiotikong pagbasa sa ospital, pantalon at San Miguel Beer. Sa kabilang banda, gamit ang sosyo-historikal na pananaw, ipinakilala ni Florentino Hornedo ang iba’t ibang personang nagsasalita sa mga kuwentong bayan at ang mga salik sa paglikha ng mga kuwento. Umiikot naman sa papel ni Fernando Zialcita ang karanasan at paniniwala ng mga Ilokano sa kabilang buhay. Gamit ang konsepto ng gahum, tinalakay ni Isagani Cruz ang konsepto ng kabastusan sa mga komiks, magasin at palabas sa telebisyon. Sinuri naman ni Resil Mojares sa kanyang sulatin ang mga politikal na komentaryo sa mga radyo sa Cebu. Samut-saring imahen naman ng babae ang inilahad sa apat na sanaysay sa akda. Representasyon ng babae sa panromansang Tagalog na nobela ang tinalakay ni Rosario Cruz-Lucero, babae sa patalastas at kolum sa mga lingguhang magasin ang kay Marjorie Evasco, imahen ng mga babae sa kontemporanyong pelikula ang nilalaman ng sanaysay ni Benilda Santos at imahen ng babae sa telebisyon naman ang pokus ng sanaysay ni Soledad Reyes. Sa kabilang banda, pinag-aralan naman ni Rene Javellana ang panatisismo at debosyon ng marami sa imahen ng Birheng Maria. Biyograpiya naman ng dalawang midyum ang isinalaysay at pinag-aralan ni Prospero Covar. Panghuli, mga relihiyosong mga samahan sa Banahaw ang pokus ng sanaysay ni Guillermo Pesigan.

Tan, Michael, Ma. Theresa Ujano Batangan at Henrietta Cabado-Espanola. Love and Desire: Young Filipinos and Sexual Risks. Lunsod ng Quezon: UP UCWS, 2001.

Ulat ito sa ginawang pananaliksik noong kalagitnaan ng dekada 90 sa kabataang Pilipino sa Maynila at Iloilo edad 16 hanggang 24 mula sa iba’t ibang ekonomikong katayuan. Inilahad ng pag-aaral ang samut-saring isyu ng sekswalidad ng kontemporanyong kabataan tulad ng kanilang persepsyon sa sex at iba pang kaugnay na konsepto nito (pornograpiya, panliligaw, kasal at iba pa), ang pagbuo / paghubog ng kanilang sekswal na identidad at mga karanasan at ang kanilang pakikipag-ugnayan at pakikipagrelasyon. Bahagi ng pananaliksik ang pagsisiyasat sa iba’t ibang ekonomikong antas sa lipunan, kasarian, edad, lokasyon at kultura na nakaaapekto sa paghubog ng iba’t ibang sekswal na kultura ng kabataan. Sa huling kabanata ng pag-aaral, nagbigay ng ilang mga rekomendayon ang akda ukol sa pagbuo ng isang makabuluhang reproductive health program para sa kabataan.

Torres-Yu, Rosario. Sarilaysay: Tinig ng 20 Babae sa Sariling Danas Bilang Manunulat. Lunsod ng Pasig: Anvil Publishing, Inc., 2000.

Nagkaroon ng panimulang klasipikasyon ang aklat sa tradisyon ng panulat ng mga babaeng fiksyunista sa bansa, na nakabatay sa panahon ng kanilang pagsusulat sa at tema ng kanilang mga akda. Ang unang pangkat ay yaong mga babaeng ipinanganak at nakilala bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sila ang mga babaeng sumusulat na may “hagod lalaki.” Kabilang sa listahang ito sina: Anacleta Villacorta-Agoncillo, Liwayway Arceo, Amelia Lapena-Bonifacio, Gloria Villaraza-Guzman at Genoveva Edroza-Matute. Ang ikalawang pangkat ay yaong mga ipinanganak pagkaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nagsulat noong panahon ng Batas Militar, kung kaya naman ang kanilang mga paksa, bukod sa pagiging feminista, ay nilalangkapan ng mga panlipunang mga usapin. Kabilang dito sina: Lualhati Bautista, Fanny Garcia, Sol Juvida, Marra Lanot, Rosario Lucero, Elynia Mabanglo, Rosalinda Ofreneo-Pineda, Lilia Quindoza-Santiago at Aida Santos. Panghuli, ang pangatlong pangkat ay yaong mga nagsulat simula dekada otsenta. Ang oryentasyon ng kanilang mga sulatin ay umiikot sa selebrasyon sa katawan ng babae. Kabilang sa grupong ito sina: Rebecca Anonuevo, Glecy Atienza, Mayette Bayuga, Joi Barrios, Benilda Santos at Luna Sicat.

Pulang Lipstick: Ang Pagbasa(g) sa Gahum sa Fashion ng Filipina sa Kontemporanyong Panahon (proposal)

(Ang fashion) ay naglilimita sa kalayaan ng kababaihan. Dahil sa kanilang kasuotan, kailangan silang tulungan ng kalalakihan sa pag-akyat at baba ng hagdan… --- mula kay Elizabeth Cady Stanton (aking salin)

Ang maluwang ng bilog, ay mamaro nang maikli, ang babaeng di marunong mag-ingat ng kanyang kilos ay parang itinatanyag ang katawan sa mata ng tao. --- mula sa “Pagsusulatan ng Dalauang Binibini na si Urbana at si Feliza” ni Padre Modesto de Casto

Ang fashion ay importante para sa indibwal na ekspresyon ng sarili, hindi ito indikasyon ng pagpapailalim (sa lalaki). --- mula kay Linda Scott (aking salin)

Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanan ang mga adbertisyo na makikita sa lansangan, telebisyon at babasahin ukol sa pinakausong damit, aksesorya, make-up, gupit ng buhok at iba pa. Sunod-sunod rin ang mga palabas katulad ng “America’s Next Top Model” ni Tyra Banks at “Project Runway” ni Heidi Klum na kapwa may mga franchise na rin sa Pilipinas; isama pa ang samut-saring make-over at do’s and don’t’s na segment maging sa mga lokal na palabas. Lahat ng ito ay tila nagpapahiwatig ng atensyon ng kasalukuyang panahon sa usapin ng fashion.

Inspirado ng mga librong “Femininity” ni Susan Brownmiller, “Rapunzel’s Daughters” ni Rose Weltz, “Backlash” ni Susan Faludi, “The Beauty Myth” ni Naomi Wolf at “Fresh Lipstick” ni Linda Scott ang pananaliksik na ito; idagdag pa ang pag-aaral ni Georgina Reyes Encanto sa “Constructing the Filipina,” “Richard Gomez at ang Mito ng Pagkalalaki…” ni Roland Tolentino at mga artikulong “The Noranian Imaginary” ni Neferti Tadiar at “The Dissemination of Nora Aunor” ni Patrick Flores.

Iikot ang pananaliksik na ito sa pulitika at kapangyarihan sa fashion ng Filipina. Bibigyang-pansin ang konstruksyon ng mito ng kontemporanyong Filipina, sa usapin halimbawa ng pananamit, gupit ng buhok, make-up, aksesorya at maging hugis ng katawan at kulay ng balat, sa ilalim ng nananaig na patriyarkal na gahum sa lipunan. Sa kabilang banda, nais ding itampok ng pananaliksik ang pagbasag ng mismo ring sistema ng fashion sa mga nakagawiang hulmahan ng kababaihan. Halimbawa sa pagtalakay ng angkop na porma / gupit ng damit sa iba’t ibang body types, bukod sa nakagawiang hour glass o mala-coca-cola na hugis. Dagdag pa rito, nais bigyang diin ang kontemporanyong fashion na hindi lagi’t laging nangangahulugan ng submisyon at opresyon bagkus, sa pamamagitan rin nito, ay nakapagbibigay ng kapangyarihan at kalakasan sa personal / indibidwal na aspekto ng buhay ng kababaihan.

Sa kabuuan, bibigyang-pansin ang kontemporanyong fashion ng Filipina batay sa inilalarawan at isinasalaysay sa mga pangunahing pambabaeng fashion at lifestyle magasin, mula taong 1945 hanggang 2010, na tumutulong sa paglikha ng sari-saring mga mito ukol sa pagiging Filipina sa kontemporanyong panahon at gayundin ang pagbasag sa ilang mga nakasanayang konstruksyon sa kanila at paggamit rin mismo rito bilang isang kasangkapan upang magkaroon ng kapangyarihan at kalakasan.

TRIVIA sa apelyidong CAMBA

Bukod sa mga kapamilya ko at kay Robert Camba (na may-ari ng catering na negosyo; sana kamag-anak ko siya nang mautangan), wala na akong kilalang ibang CAMBA. Kung kaya naman, nagulat ako nang magkaroon ako ng dalawang estudyante noon na kaapelyido ko (technically, isa lang pala, dahil nag-change section ang isa); idagdag pa nang hanapin ko minsan ang phone number ng pinsan ko sa yellow pages, nagulat akong dalawang columns din ng directory ang inukupahan ng apelyido ko. Nakakagulat dahil, akala ko, hindi popular o kakaiba ang apelyido ko. Hindi naman kasi ito katulad ng Santos o Cruz o Reyes na makikita sa bawat sulok ng bansa.

Kung kaya naman, mas lalong naging interesado akong siyasatin ang iba pang kuwentong CAMBA sa Pilipinas (bukod sa kuwento ng pamilya kong alam ko na):

1) Kung pupunta kayo sa Binondo at Tondo, Maynila, makakakita kayo ng Camba St. Ipinangalan siya kay Andres Garcia Camba na kilala rin bilang "El Deseado" na naging gobernador-heneral (siyempre noong panahon ng Espanyol) noong Agosto 27, 1937 - 1938. Bago pa nito, naging commander-in-chief siya ng militar sa Maynila, naging direktor ng La Sociedad Economica de Amigos del Pais, at naging bahagi ng Spanish Cortes.

Sa Camba St., Tondo matatagpuan ang San Bin Highschool, isang Chinese School

Sa lugar ding ito makikita ang Nuestra Senora de Soledad de Camba

Sa kalye ring ito nagkaroon ng Trahedya ng Calle de Camba noong Marso 25, 1898 dahil namatay ang 70 Filipino na lumaban noo'y sa mga Espanyol. 

2) Sa Arayat, Pampanga, may isang baranggay doon na tinatawag na Kaledian (Camba). At take note: may Camba Secondary Highschool na nakatayo roon.

3) Sa Batuan, Masbate, may ganoon ring pangalan ng baranggay.

4) May tinatawag na Casa Camba sa New Manila, Quezon City, na ginagamit na lugar-kasalan.

KOMEDYA 2008

Naganap noong Pebrero 27-29, 2008, sa UP Diliman, ang pinakaunang Kumperensiya sa Komedya sa Pilipinas. Kaugnay nito, nagkaroon ng mga research presentation / pagbasa ng papel, worksyap sa pagsulat, diccio, kilos at galaw, batalya, stage at production management ng komedya na pinamahalaan ng mga aktwal na practitioner ng mga komedya troupe. Nakadagdag pa sa pagpapayaman ng impormasyon at karanasan ang pagkakaroon ng serenata sa pangunguna ng UP Symphonic Orchestra na sinundan ng pagpapanood ng komedya-inspired na dula ni Francisco Balagtas na “Orosman at Zafira” noong ikalawang araw (na kung tutuusin ay ikalawang beses ko nang papanoorin), at pagtatanghal ng isang “autentikong” moro-moro ng mga taga-Baler, Quezon noong huling araw ng kumperensiya.

Ilan sa mga hindi makakalimutang papel na inilahad ay yaong ibinahagi ng mga keynote speakers, na nangungunang mga akademikong iskolar sa larangan ng komedya, na sina Nicanor Tiongson at Resil Mojares. Inilahad ni Tiongson hindi lamang ang kasaysayan at ugat ng komedya sa Pilipinas bagkus maging ang pagsasakatutubo / indihinisasyon ng isang banyagang uri ng dula sa pamamagitan ng paglalangkap hindi lamang ng wikang Filipino bagkus maging ng kulturang Filipino. Halimbawa na lamang ay sa aspekto ng batalya (na inspirado ng arnis) at pagpapandot. Ibinahagi naman ni Mojares ang pagbasang Bakhtinian sa malakarnibal na pagtatanghal na isang taliwas sa kumbensyon ng pormal na teatro at ng pagbasang Brechtian sa pagdanas ng mga manonood ng alyenasyon (alienation) sa buong pagtatanghal.

Dagdag pa rito ang ang muling pagbasa (re-reading) ni M.R. Ancheta sa karakter ng Pusong bilang bida ng buong pagtatanghal at hindi na lamang ekstra sa palabas dahil sa pagiging kenkoy / payaso / jester sa entablado.  Nariyan din ang karanasan ni J. Respeto sa kanyang muling pagsasadula ng komedyang “Isandaang Panaginip” ni Rene Villanueva noong isang taon. Inilahad niya ang kanyang paglalapat ng kontemporanyong mga isyus / usapin sa kanyang dula, kung saan hindi nangangailangang Moro ang laging masama. Sa partikular, kanyang ibinahagi na sa kanyang dula ang gumanap na Moro ay isang babae na nakabaro’t saya (ala-Imelda) nasa terasa (mala-Evita Peron) at may nunal (mala-GMA). Bilang isang Espanyol, Ibinahagi naman ni I.D. Jimenez ang kanyang karanasan sa pagdiriwang ng Moros y Cristianos Fiesta sa Espanya. Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni W. Peterson ang kanyang karanasan, bilang isang dayuhan, nang masaksihan ang Moriones ng Marinduque. Tinalakay naman ni A. Santos ang kasaysayan ng Komedya ng San Antonio, Barbaza, Antique at ang salik ng pananatiling buhay ng teatrong ito sa kanilang lugar. Sa kabilang banda, inilahad naman ni L.D.A. Calpito ang kasalukuyang kondisyon ng komedya sa Mabunttal, Cagayan, ni A. Figueras-Lucero ang komedya sa Pangasinan na kanyang kinalakihan at komedya ng Iloco sa mata ni R. Pertierra.

Naging mabunga ang buong kumperensiya sapagkat ipinagtatagpo at nagkakaroon ng diyalogo ang mga iskolar ng komedya (iskolar sa loob ng akademya at maging ng mga aktwal na nagtatahal, ang mga komedyantes) na nagiging dahilan upang mas mapagyaman ang itinuturing na pinakaunang anyo ng dulaan sa bansa.

Kulturang TextBook

Ilang taon pa lamang ako sa mundo ng textbook writing, kaya naman ngayon ko pa lamang nakikita ang ‘kakaibang’ kalakaran / sistema rito.

(1) PAGBIBIGAY NG RESEARCH o WORKING MONEY --- ito ang halagang ibinibigay ng publishing house bilang bayad sa gagastusin para sa pananaliksik, pagpi-print at sa mismong bayad sa lakad-paggawa (kasama na ang intelektwal na aspekto nito). Madalas, batay sa karanasan, nagkakahalaga sa madalas sa hindi ay 2,000 pesos lamang (presyo na alam nating hindi katumbas ng aktwal na gastusin sa pananaliksik at trabaho).

Ganoon pa man, mas masahol pa pala rito ang mararanasan ko. Nang gawin ko ang isang textbook (hindi ko na babanggitin kung alin), walang research o working money na ibinigay bago simulan ang pagsusulat. Subalit dahil shonga-shonga pa ako noon, clueless, kaya tinanggap ko ang pagsusulat.

(2) 100% o HIGIT PA na PATONG --- Isang semester matapos kong gawin at ibenta ang isang textbook na naisulat ko, nagulat ako nang makatanggap ng 700pesos sa isang envelope na may nakasulat na: porsiyento sa pinagbentahan ng libro. Tinanggap ko iyon bilang grasya, bilang dagdag na kita, subalit ito ang siste ng grasyang iyon:

Ang actual cost of production ng librong binibenta sa halagang 325pesos ay 125pesos lamang. Nangangahulugan na may 200pesos na patong sa bawat libro. Kung kaya naman sa 150 na kopya na naibenta, makakalikom ng 48,000pesos ang palimbagan. Sa kabilang banda, dahil may 18,750pesos na total cost of production, lumalabas na 29,250pesos ang kinita ng kumpanya. Batay sa halagang iyon, paano ngayon ipapaliwanag ang 700pesos na kinita ko bilang royalty sa nasabing textbook? Kahit pa sabihing tatlo kaming editor at Ph.D holder pa ang isa (na nangangahulugan ng mas mataas na rate), hindi pa rin nito mababalanse ang 29,250pesos na kinita. Mas malinaw pa sa araw na ang malaking bahagdan nito ay napunta kita ng kumpanya. Tsk, tsk, tsk.

(3) OUTRIGHT SALE --- Sa ganitong mga kasunduan, pinapayagan ng editor at manunulat ang publisher na magkaroon ng 100% na pagmamay-ari sa aklat na kanyang isinulat. Ibig sabihin, ang publisher, bilang bagong may-ari ng libro ay may karapatan na ipalimbag ng kahit ilang beses, ng kahit ilang taon ang nasabing libro na hindi na humihingi ng permiso sa mga nagsulat. Kaugnay rin ng karapatang ito ang hindi na rin pagbibigay ng royalty sa mga nagsulat. Subalit kapalit naman nito ay ang tantiyadong halaga / kikitain ng aklat sa merkado. Madalas ang bayaran ay bawat pahina. Umaabot ang ‘outright price’ hanggang 500,000pesos. Nangangahulugan na kung 2 kayo na bumuo sa libro, pumapatak na tag-250,000pesos ang bawat isa. Napakalaking halaga nga naman. Subalit, dahil nga isinuko na ng manunulat ang kanyang karampatang pagmamay-ari, kung saka-sakaling naging best-seller ang kanyang textbook sa isang rehiyon o buong Pilipinas, hindi na siya maaaring maghabol ng royalty. Bukod pa rito, hindi naman isang bagsakan ang pagbibigay ng nasabing halaga; patak-patak ito. At batay sa karanasan ng maraming kumagat sa ganitong eskema, binibenta at kumikita na ang librong kanyang isinulat dalawang taon na ang nakakaraan ay hindi pa buo ang bayad sa kanya. Lumalabas na pinagkakakitaan muna ang libro, at mula sa kita / profit kukuha ng ipapangkumpleto sa butal. Ang mas nakakapanggalaiti pa rito ay ang marinig pa na noong nakaraang tag-init, isang linggong nanatili sa Cambodia ang buong pamilya ng publisher at noong isang buwan naman ay balitang nag-Hongkong naman ang mga anak ng publisher nito. Dagdag pa rito, noong isang linggo nabalitaan ring nag-aaral ang isang anak ng publisher sa London Business School.

(4) GHOST WRITERS --- Kalakaran na na magsingit ang mga publisher ng mga pangalan ng ilang mga guro / personalidad bilang isa sa mga editor o manunulat ng textbook. Ang rationale ay dahil ibebenta ang mga aklat sa mga paaralan ng mga nabanggit na pangalan. Bunga nito, kahit na walang ibinahagi sa libro, kahit ni tuldok o tandang panananong, dahil sa awtomatikong merkado, ipinapasok sila. Hindi ko alam kung paano nasisikmura ng mga nasabing personalidad, na propesyunal pa man din, na payagan ang paggamit sa kanilang pangalan at sumali sa ganoong kalakaran. Sa bagay, retorikal na tanong naman ito.

(5) CLIQUE SYSTEM --- It’s not what you know but whom you know. Maraming magaling na manunulat na hindi nabibigyan ng opurtunidad dahil sa walang koneksyon. Kung kaya naman, para sa ilang nakabuo na ng ‘niche’ sa pagsusulat, minsan / madalas ay nagbabayad na lamang sila ng mga baguhang manunulat / guro para magsulat para sa kanila. Take note: magsulat para sa kanila at hindi para magresearch. Ang magiging kalakaran, babayaran na lamang ng ‘talent fee’ (at iba pang napagkasunduan) ang baguhan subalit ang pangalan (prestige – kung meron man siya noon) na nakasulat sa libro at royalty ay nasa pangalan ng beterano. Hmmm, talaga nga naming beterado, hustler.

Kuwentong Marcos

Dulot ng ika-25 na anibersaryo ng Batas Militar noong Setyembre 21, naisip kong ilahad ang ilang mga kuwentong Marcos na naririnig ko mula pa noong bata ako. Pero dahil showbiz ang pamilya ko, ibang Marcos na kuwento ang kinalakihan ko.

(1)   Ang yaman ni Marcos ay hindi mula sa kaban ng bayan bagkus ay mula sa Golden Buddha. Oo, ang Golden Buddha na na ginawa pang pelikula ng Seiko Films na pinagbibidahan ni Jestoni Alarcon. Ang kuwento, nakuha ng isang Rogelio Roxas, isang treasure hunter, ang Golden Buddha na bumibigat ng 1 toneladang ginto na bahagi ng Yamashita Treasure. Dagdag pa rito, nang niroskas ang ulo ng Buddha, tipak-tipak na brilyante ang nasa loob. Subalit dahil daw pinag-interesan ito ni Marcos, ninakaw ito ng mga sundalo sa bahay ni Roxas. Ayon pa sa tsismis, ang ilan sa mga dyamante ay ginawang alahas ni Imelda ang mayorya naman ay idineposito sa pamosong Swiss account.  Matapos ang mahigit dalawang dekada, ipinabalik muli ng korte sa mga Roxas ang Buddha subalit nang ipina-test ang gold content nito, literal na natanso ang pamilyang Roxas.